LAGING gutom. Kahit na katatapos lang kumain ay naghahanap na naman ng mangunguya. Ilan iyan sa problema ng marami sa atin. At dahil din sa pakiramdam na laging gutom kahit kakakain lang ay nadaragdagan ang ating timbang.
Kapag pa naman nakaramdam tayo ng gutom, hindi tayo napalalagay hangga’t hindi tayo nakakakain ng mga gusto nating pagkain. Pero minsan, kahit na may kinain na tayo, naghahanap pa rin tayo ng ibang mangunguya.
At dahil marami sa atin ang tila laging gutom o naghahanap ng pagkain, narito ang ilan sa dapat na kahiligan nang mawala o masolosyunan ang hindi mapigilang paghahanap ng pagkain:
KUMAIN NG PRUTAS
Kung naghahanap ang iyong panlasa ng matamis, prutas ang kailangan mo at hindi ang mga sugary na inumin o softdrinks.
Kaya imbes na maghanap ng cola o softdrinks, mainam ang pagkain ng fresh fruits nang maibsan ang nararamdamang craving.
Matamis nga naman ang prutas kaya’t swak ito kung nagke-crave ka ng matatamis. Mainam din sa katawan ang prutas dahil sa mga benepisyong dulot nito.
Mas magiging malusog at maganda rin ang iyong pakiramdam kung kahihiligan mo ang pagkain ng prutas.
MAINIT NA INUMIN
Hindi naman lahat ng magustuhan ay kakainin o iinumin na lamang natin nang ‘di iniisip ang ating kalusugan o kapakanan.
Isa sa swak o ‘di nawawala sa tuwing kakain tayo ay ang dessert. Ngunit kung gusto mong maiwasan ang temptasyon ng pagkain ng dessert, uminom ng maiinit na inumin gaya ng kape matapos ang pagkain.
Isa ang kape sa nagpapataas ng fullness hormone kaya’t maiiwasan mo ang palagiang paghahanap ng pagkain o matatamis na dessert.
DARK CHOCOLATE
Dark chocolate ang isa pa sa dapat nating kahiligan kung lagi tayong naghahanap ng makakain o nagke-crave tayo.
Mataas ang taglay na antioxidants ng dark chocolate dahil gawa ito sa 70 porsiyento ng cocoa. Masarap din ito at kahit na sino ay maaari itong kainin.
Ngunit sabihin mang may kagandahang dulot ang dark chocolate, mahalaga pa rin ang tamang pagkain. Tandaan na ang lahat ng sobra ay nakasasama.
BANANA ICE CREAM
Panghuli sa ating listahan na swak kahiligan nang mawala ang pakiramdam na laging gutom ay ang Banana Ice Cream.
Isa nga naman ang ice cream sa laging hinahanap-hanap ng ating panlasa. Pero hindi lahat ng ice cream ay makabubuti sa ating kalusugan. Kailangan ay maging mapili tayo sa kakainin.
At para matiyak na healthy ang ice cream na lalantakan, subukan ang paggawa ng homemade banana ice cream.
Hindi lamang ito creamy kundi masarap. Mataas din ang taglay nitong fiber kumpara sa regular na ice cream.
Sa mga gustong gumawa ng Homemade Banana Ice Cream, ang mga sangkap na kakailanganin natin ay ang saging, chopped fruits at nuts.
Paraan ng paggawa:
Balatan at hiwain ang saging, saka ilagay sa freezer nang tumigas o maging yelo. Kapag naging yelo na ang saging, ilagay na ito sa food processor. I-blend ito hanggang sa maging creamy. Kapag creamy na, ilagay na ito sa isang lalagyan at budburan ng chopped fruits at nuts.
Simple lang at napakasarap pa.
Tiyak na maiibigan mo ito gayundin ng iyong pamilya.
Hindi naman talaga maiwasan na maramdaman o makaramdam tayo ng gutom. Isa nga naman ang pagkain sa hindi puwedeng humiwalay sa atin. Pagkain din ang isa sa nakapagpapasaya sa atin.
Gayunpaman, kung gutom ka na naman o naghahanap ng maaaring makain kahit na katatapos lang kumain, hindi na iyan ma-ganda.
Kaya naman, sa tuwing naghahanap ng makakain kahit na katatapos lang kumain, subukan ang ilan sa mga ibinahagi namin sa inyo.
Tandaan, lahat ng sobra ay nakasasama. Kaya nararapat tayong kumain ng tama. Maging maingat din tayo sa ating mga ka-kainin nang mas ma-enjoy pa natin ang ating buhay.
Kung wala ka namang iniindang kahit na anong sakit, mas makapagsasaya ka nga naman.
Kaya mag-ingat at maging mapili sa mga kakainin.