PAGKAKAISA AT SAMA-SAMANG PAGBANGON MULI

TUNAY na mahalaga sa buhay ng tao ang kuryente.

Kung wala ito, naaapektuhan ang pang-araw-araw nating gawain.

Ngayong makabagong panahon, kung walang kuryente, wala ring buhay ang mundo.

Ginagamit kasi natin ito sa pagcha-charge ng cellphone at iba pang gadgets para sa ating komunikasyon.

Ginagawa ito mula sa isang proseso ng pagbabago at transportasyon mula sa mga generation site hanggang sa mga sentro ng pagkonsumo.

Ang enerhiya ay dinadala o hinahatid sa mga consumer sa pamamagitan ng mga linya ng kuryente sa ilalim ng lupa o kaya’y sa mga kable.

Isa sa mga batayang pangangailangan ang kuryente.

Tuwing lumalakas ang demand sa elekstrisidad, aba’y tumataas din ang generation charge na ipinapataw ng power firms.

Tulad na lang noong Abril ngayong taon, kung hindi ako nagkakamali, pumatak sa P0.063 ang dagdag-singil sa kada kilowatt hour (kWh).

Sinasabing katumbas ito ng P12.60 dagdag-singil kada buwan sa mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWh.

Pumalo naman sa P18.90 ang naging dagdag-singil sa mga kumokonsumo ng 300 kWh, P25.20 sa 400 kwH, at P31.50 sa 500 kWh.

Ayon sa Meralco o Manila Electric Company, iyon daw ay bunga ng pagmahal ng kuryente sa spot market at paghina ng palitan ng piso kontra dolyar.

Kapag umaarangkada ang taas-singil sa kuryente, marami ang umiiyak, lalo na ang mga mahihirap.

Baka nga raw sa taas ng singil na lang sa kuryente napupunta ang sahod ng mga kawawang mamamayan.

Ipaghahanap-buhay na lamang ang power companies.

Ang masaklap nga lang, wala namang magagawa ang taumbayan kundi sundin ang anumang gusto nila.

Kung anong nakasaad sa bill, hindi na nagrereklamo ang mga consumer at tinatanggap na lamang ang lahat.

Subalit may good news naman dahil bababa raw ng 12 sentimo kada kwh ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong buwan ng Mayo na sinasabing katumbas ng ₱24 na bawas sa bayarin ng mga kumukonsumo ng 200kwh kada buwan; ₱36 sa mga nakakagamit ng 300kwh; ₱48 sa mga kumukonsumo ng 400kwh at ₱60 naman sa gumagamit ng 500kwh.

Bagama’t sumirit daw ang generation charge ng ₱0.35/kwh, sumadsad pa rin ang singil dahil inatasan naman ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco na mag-refund ng mahigit ₱7.7 bilyong over collections.

Kaya magkakaroon ng 47 sentimo kada kwh na rate reduction sa mga residential customer.

Ikakasa raw ang refund nang tuloy-tuloy sa loob ng isang taon na sisimula nga ngayong buwan.

Sa Metro Manila, kung pinoproblema ng mga consumer ang bayarin sa ilaw, sa ilang liblib na lugar o probinsya naman ay wala pang ilaw.

Natatandaan ko pa ang inilabas na report ng National Electrification Administration (NEA) noong 2019 kung saan binanggit na nasa 2,319,660 milyong bahay sa buong bansa ang walang kuryente.

Lumabas iyon tatlong taon na ang nakararaan kaya’t maaaring sa panahong ito ay nasa tatlong milyon na o mahigit pa ang walang ilaw sa tahanan.

Nabubuhay sila sa dilim kung gabi.

Masakit isipin na tila napagkakaitan sila ng mga pangangailangan sa araw-araw na pamumuhay.

Noong nakaraang taon, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 156 na nagsusulong ng total electrification sa buong Pilipinas.

Kaya ngayong matatapos na ang termino ng Presidente, nawa’y ipagpatuloy ito ni Presumptive President Bongbong Marcos.

Mahalagang matuloy at magkaroon ng “consistent and reliable electricity service” sa mga liblib na barangay.

Hindi maitatanggi na ang kuryente ay isa sa mga pangunahing kailangan sa komunidad.

Kung walang elektrisidad, hindi uusad ang ekonomiya sa isang lugar.

Naaalala ko pa na noon pang 1986 ipinangako ang electrification sa buong bansa ngunit hindi ito natuloy dahil marahil ay dulot ng pagpapatalsik sa kapangyarihan kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

At ngayong ang kanyang anak na si BBM na ang siyento-por-siyentong uupo bilang bagong Punong Ehekutibo, umaasa ang mayorya ng mga Pilipinong bumoto sa kanya na wala nang mabubuhay sa dilim sa mga mahihirap o liblib na lugar sa bansa, matutupad ang ipinagsigawang pagkakaisa at maging ang pangako na sama-sama tayong babangon muli.