SA pagbibigay halaga sa bahagi ng mga Local Government Unit (LGU) sa poverty alleviation program ng administrasyong Marcos, nananawagan si Presidential Commission for the Urban Poor chairperson at chief-executive-officer Undersecretary Elpidio Jordan Jr. sa lahat ng mga Local Government Executive (LGE) na makilahok sa kauna-unahang LGU Forum na isasagawa sa Oktubre 25 sa lungsod ng Quezon.
Pinunto ng dating konsehal ng munisipalidad ng Aroroy sa Masbate na tanging sa suporta lamang ng mga LGU at ng kanilang mga LGE ang katagumpayan ng mga adhikaing pangmahirap ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na magdadala ng kaunlaran sa buong bansa.
“Kailangan nating magkaisa dahil ito ang taimtim na kahilingan ng ating Pangulo kahit noong nangangampanya pa lang siya at ngayong siya na ang ating Punong Ehekutibo. Sa ganitong paraan lamang natin matitiyak na magagawa natin ang ating mandato na maglingkod sa bayan,” wika ni Usec. Jordan.
Upang mabigyan ito ng pagdidiin, binanggit ni Usec. Jordan ang sinabi ng yumaong dating Emperador ng Ethiopia: “Itinuturo sa ating kasaysayan na ang pagkakaisa ang ating lakas, at pinapayuhan tayong panaigan natin ang ating hindi pagkakasundo sa paghahanap at pagkamit ng ating mga mithiin, magpursigi, na pinagsanib ang ating puwersa, patungo sa daan ng tunay . . . na kapatiran at pagkakaisa.”
Layunin ng LGU Forum na pangungunahan ng PCUP ang maiprisinta ng ahensya ang mga programa nito at inisyatibo para sa mahihirap, partikular na ang mga maralitang tagalungsod, at ang proteksyon ng kanilang mga karapatan sa ilalim ng pantay na polisiya at pagsunod sa batas.
Bukod dito, ibabahagi rin sa forum ang programa ng mga aktibidad para sa nalalapit na Urban Poor Solidarity Week (UPSW) na gagawin sa Disyembre.