PAGKAKAISA LABAN SA MGA HAMON NA DALA NG PANDEMYA

Joes_take

TAYO ay nasa ika-77 araw simula nang sumailalim sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang ating lungsod, at ayon sa rekomendasyon ng mga Metro Manila mayor sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, ibababa na sa General Community Quarantine o GCQ ang lungsod bukas, June 1.  Ibig sabihin ay lilimitahan na lang ang mahigpit na quarantine restrictions sa mga lugar ng lungsod na madedeterminang high-risk, at pahihintulutan na ng gobyerno ang pagbubukas ng mga negosyo upang muling sumigla ang ating ekonomiya.

Huling araw na ng lockdown ngayon, May 31, at sa halip na i-extend muli ito ng ating gobyerno ay pinahihintulutan na lang nito ang lokal na pamahalaan na sila mismo ang maghigpit sa kani-kanilang mga nasasakupan, lalo na sa mga lugar na may mataas na bilang ng mayroong coronavirus o COVID-19. Itong localized lockdown ang nakitang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng pandemya na  hindi kinakailangang isakripisyo ang paggalaw ng ating ekonomiya.

Ang kasalukuyang krisis na hinaharap natin ay hindi lamang nakaaapekto sa isang bahagi ng lipunan, bagkus tayong lahat ay nakaranas ng iba’t ibang uri ng paghihirap.  Kagaya na lamang ng aking naunang naisulat sa aking mga kolumn, kailangan nating magtulungan upang maging matagumpay laban sa pandemyang ito, kasama na rito ang pagkakapit-bisig ng iba’t ibang sektor sa industriya.  Kasama rito sa pagtutulungang ito ang Meralco, kung saan ako mismo ay nagtatrabaho.

Bilang isang kompanya na naniniwala sa pagiging tapat at totoo, mahalaga para sa Meralco ang mga customer nito at handa itong tumulong para mabawasan ang kanilang mga alalahanin, lalo na sa panahong ito ng pandemya.

Bunsod ng kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC), inanunsiyo  ng Meralco na ang mga electric bill ng aming mga customer para sa buwan ng Marso, Abril, at Mayo, o ang mga buwan kung saan nasa ECQ ang lahat, ay maaaring bayaran nang hulugan simula June 15.  Magpapadala ng sulat na mayroong mas detalyadong paliwanag tungkol sa nasabing ECQ bills kasama na rito ang kanilang aktuwal na naging konsumo para sa mga nagdaang buwan.

Ang mga customer na kumonsumo ng hanggang 200kWh noong nakaraang February 2020 ay maaaring bayaran ang kanilang March, April, at May bills sa loob ng anim na buwan.  Ang mga may konsumo naman na humigit sa 200kWh noong nakaraang February 2020 ay hahatiin naman sa loob ng apat na buwan ang kanilang ECQ bills.  Ang mga installment plan na ito para sa March, April, at May bills ay makapagbibigay  ng sapat na panahon para bayaran ng mga customer ang mga ito.

Para naman sa ipinatutupad ng gobyerno na physical at social distancing, ang mga customer ng Meralco ay may iba’t ibang paraan upang bayaran ang kanilang  electric bills. Maaari nilang bayaran ang kanilang bills sa mga Business Center ng Meralco na nagbukas kamakailan upang tumanggap ng mga payment at mga aplikasyon o ‘di kaya ay maaari rin namang bayaran ang bills sa pamamagitan ng Meralco Online, Paymaya, Gcash, at iba pa.

Para naman sa mga nakapagbayad na ng kanilang March at April bills, kung saan estimated base sa kanilang average daily consumption ng mga naunang tatlong buwan, magkakaroon sila ng panibagong billing statement kung saan makikita ang mga kaukulang adjustments na ang basehan ay ang aktuwal nang nabasang mga metro.  Sa mga nagkaroon ng overestimation, ang sobrang naibayad ng customer ay maire-refund sa kanilang billing statement.

Sinisiguro ng Meralco sa kanilang mga customer na ang babayaran lamang nila ay kung ano ang kanilang kinonsumo, at ang ginagawang meter reading activities ay siguradong wasto at tama.  Sa katunayan, ang bills na makukuha ng kanilang mga customer para sa buwang ito ay magre-reflect na ng kanilang tama at aktuwal na meter reading para sa mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo.

Bahagyang nabago ang kasalukuyang paraan ng ating pamumuhay dahil sa pandemyang ito.  Ating isasabuhay na sa pang-araw-araw ang physical at social distancing measures na ipinatutupad, Makaaasa ang lahat na ang Meralco ay kasama ng lahat sa pagbabago patungo sa tinaguriang ‘new normal’.

Marami pa ring naidudulot na pagkalito o stress ang pandemyang ito sa ating lahat.  Ang Meralco ay handang tumulong at tumugon sa mga katanungan tungkol sa serbisyo ng koryente  ng kanilang mga consumer.  Magtungo lamang sa aming mga business center, tumawag sa aming hotline na 16211, o ‘di kaya ay magpadala ng mensahe sa aming  social media accounts upang iparating ang inyong mga katanungan.

Wala rin dapat alalahanin ang mga customer ng Meralco dahil sinisiguro nito na walang mangyayaring disconnection o pagpuputol ng serbisyo habang may lockdown.  Tinitiyak ng Meralco na tuloy-tuloy ang serbisyo na makukuha ng mga customer nito at maghahanap ng pinaka-mabuting paraan upang hindi na makadagdag pa sa mga alalahanin nito ngayong panahon ng pandemya.

Hindi biro ang pinagdaanan nating lahat nitong nakaraang mga buwan, paghihirap na dulot nitong pandemyang ito.  Marami ring  pinagdaanan ang Meralco sa loob nitong mga nakaraang buwan, subalit kami ay hindi tumitigil sa paghahanap ng paraan upang makatulong at hindi na makadagdag pa sa mga alalahanin ng aming mga customer.  Bilang isang kompanyang  napagdaanan na ang second world war at ilang mga malalakas na bagyo, sigurado ako na malalampasan din namin itong pagsubok na ito.  Sa tulong ng aming mga customer, naniniwala ako na makakayanan natin itong hamon na dulot ng pandemyang COVID-19.

Comments are closed.