PAGKAKAISA MAHALAGA PARA LABANAN ANG CORONAVIRUS

Joes_take

TULOY-TULOY ang pagkilos ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging and Infectious Diseases (IATF-MEID) kasama ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at ang pribadong sektor nitong nakalipas na dalawang buwan upang gumawa ng mga hakbang para hindi kumalat ang pandemya sa buong bansa.

Matapos inanunsiyo  ng ating gobyerno ang pagbaba mula Enhanced Community Quarantine (ECQ) papuntang Modified Enhanced Communityh Quarantine (MECQ), ang ilang grupo ng mga manggagawa ay nagsibalikan na sa kani-kanilang mga trabaho sa Metro Manila nitong nakaraang Lunes, matapos silang mapilitang manatili sa kani-kanilang bahay simula March 15 kung kailan ipinatupad ang Luzon-wide na lockdown kasunod ng outbreak ng pandemyang COVID-19.

Sa kabila ng pangangailangang patakbuhin muli ang ekonomiya ng ating bansa, paulit-ulit pa ring nananawagan at nagpapaalala ang task force, kasama ng  ibang partner organizations nito, na mag-ingat pa rin ang bawat  isa hanggang nandito pa rin ang pangamba dahil sa coronavirus.

Abangan din natin ang muling pagsipa ng demand sa koryente lalo na at magbubukas nang muli ang iba’t ibang sektor katulad ng manufacturing, at service industries, na siyang nangangailangan ng episyente at maaasahang suplay ng koryente.

Kasama ng IATF at ng iba pang mga ahensiya ng gobyerno sa kanilang laban para puksain ang pandemya ang Department of Energy (DOE), na siyang nakatuon upang matiyak ang walang humpay na serbisyo ng koryente,  lalong-lalo na sa panahong ito. Hindi lang naman ang suplay ng koryente para sa buong bansa ang importante sa kanila, kasama na rin dito ang kalusugan at kaligtasan ng bawat konsyumer sa bansa.

Sa kanyang huling virtual message, makikita kay DOE Secretary Alfonso G. Cusi ang pakikiisa sa landas na tinatahak ng buong bansa patungo sa tinatawag na new normal. Kasama sa mga kailangan dito sa tinatawag na new normal ang pagkakaroon ng isang matatag na mamumuno na siyang gagabay sa DOE sa ano mang pagsubok na maaaring harapin nito at ito ay napatunayan ni Secretary Cusi.

Tuloy rin ang laban ng DOE at energy family upang pigilan ang pagnanakaw ng koryente dahil isa ito sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng brownout at sunog. Ang mga mga lehitimong customer din ang nagbubuno ng pagbayad dito sa pamamagitan ng karagdagang systems loss na siyang idinudulot ng pagnanakaw ng koryente. Isang malaking pahirap ito lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.

Sa ilalim ng Republic Act 7832 o Anti-Electricity Pilferage Act, ipinagbabawal ang mga illegal connection o jumper, pati na rin ang pagnanakaw ng mga kable o iba pang bagay na ginagamit sa power transmission at distribution. Bilang isang responsableng mamamayan, ating ireport ang mga nakikita nating pagnanakaw sa ating distribution utilities.

 

Kamakailan din ay nagpaalala ang DOE na iwasan din nating magpalipad ng mga saranggola malapit sa mga poste at kable ng koryente dahil maaari itong maging sanhi ng brownout, at pagkakoryente na rin ng nagsasaranggola.

Naalala ko rin ang sinabi ni Secretary Cusi na “The DOE will continue to adopt all necessary measures to help our community partners, stakeholders, and power consumers during and after the enhanced community quarantine. Having access to power services is extremely critical during this national public health emergency, so we hope that these guidelines will allay at least some of the worries of the members of the energy family.”

Ang positibong mensaheng ito ni Secretary Cusi ay tiyak na makatutulong sa atin sa paglaban sa coronavirus, dahil nagbibigay gabay ito sa ating utility sector at sa mga konsyumer nito na siyang dapat magtulong-tulong lalo na sa panahong ito.

Maaaring napahintulutan nang bumalik ang ating mga manggagawa sa kani-kanilang mga pinagtatrabahuan, pero may isa pa ring pagsubok para sa kanila dahil kasalukuyan pa ring kinokontrol ang public transportation ng gobyerno upang masiguro na hindi pa rin kumalat ang virus. Ang DOE ay tumutulong din upang mapaunlad ang ating transportation sector, ang magandang halimbawa rito ay ang ibinigay ng DOE na 100 units ng e-trikes sa Las Piñas local government unit (LGU) na siyang ginagamit nito upang mabigyan ng transportasyon ang  mga frontliner, healthcare worker, at ang ibang mga essential LGU worker.

Paulit-ulit ding pinapaalala ng ating gobyerno ang pagkakaroon ng proper hygiene o pagiging malinis upang maiwasan ang mga impeksiyon. Kasabay nito, ang DOE ay nakipagtulungan din sa Ethanol Producers Association of the Philippines upang mahikayat pa ang ibang accredited na bioethanol producers, sa pamamagitan ng kanilang programang pang Corporate Social Responsibility, na magtabi ng kanilang mga supply ng anhydrous bioethanol product upang gawing 70% ethyl alcohol na maaaring ipamahagi sa mga ospital, health workers, at sa publiko.

Talaga nga namang sa mga ganitong panahon natin nakikita ang pagkilos ng ating gobyerno. Ang isang maganda rin na halimbawa sa magandang hakbang na ginawa ng DOE upang tumulong sa mga mamamayang Filipino ay ang pag-anunsiyo  nito ng  price freeze sa lahat ng mga household LPG at kerosene sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Ambo.

Kagaya na lang ng isang kasabihan na “There is one body, but it has many parts. But all its many parts make up one body.” Ang ating gobyerno ay ang ating katawan. Bawat  parte nito ay importante upang gumana at kumilos ito nang mabuti. Ang bawat isang organisasyong kumikilos ngayon at nakikiisa sa laban sa coronavirus ay importante upang maibalik sa normal ang buhay ng bawat Filipino. Ang DOE ay bahagi ng grupong ito na tuloy-tuloy na naghahanap at gumagawa ng mga paraan upang makatulong at mapagaan ang buhay ng bawat  mamamayan.

Comments are closed.