ANG MGA taong simbahan ay tinawag ng Panginoon upang pagkaisahin ang mga mamamayan at hindi para lumikha ng pagkakawatak-watak sa lipunan.
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga kalahok ng 5th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE5) na nagtapos nitong Linggo ng hapon.
Ayon kay Tagle, ang nais ng Panginoon ay magkaroon ng pagkakaisa ang mga mamamayan, at maging isa sa pagkakaroon ng diwa ng pagmamalasakit.
“It is not the role of the shepherd to scatter. The role of the shepherd according to the mind and heart of God is to gather and that is the root of the word Church, not division,” paalala pa ng Cardinal.
“All of us who have been called to follow Jesus and who have been given positions, calling and responsibility over the others should be mindful of that,” paliwanag pa niya.
Kasabay nito, nagbabala rin si Tagle laban sa paggamit ng Salita ng Panginoon para sa pansariling interes at layuning walang kinalaman sa evangelization, dahil hindi aniya ito ang nais na mangyari ni Hesus.
“They say it’s the Gospel, it turns out to be an ambition. They say it’s aid, it turns out to be media mileage. They say it’s compassion, it turns out to be career,” aniya pa.
Nabatid na ang PCNE5, na may temang ‘Moved with Compassion: Feed the Multitude,’ ay idinaos mula Hulyo 18 hanggang Hulyo 22, 2018 at dinaluhan ng tinatayang may 5,000 participants mula sa buong mundo.
Tinapos ito kamakalawa ng hapon sa pamamagitan ng isang banal na misa na pinamunuan ni Apostolic Nuncio to the Philippines, Archbishop Gabrielle Caccia.
Sa mensahe naman ni Caccia, hinikayat nito ang mga mananampalataya na kumilos nang may habag at awa at palaging isipin ang tao at hindi numero lamang.
“When you see that their needs are so many, don’t think you will accomplish that work but say what you can do and give what you have and what you are to Jesus. He will perform miracles,”anang papal nuncio.
Nang matapos ang banal na misa ay ipinamigay sa mga kalahok ang may 6,000 piraso ng tinapay na hugis isda, na ayon kay PCNE Director Fr. Jason Laguerta, ay bilang paalala sa lahat hinggil sa pagiging bukas-palad at pagiging mapagbigay ng isang bata sa isang kuwento sa Bibliya.
Nakasaad sa naturang kuwento ang buong pusong pamamahagi ng bata ng kanyang baong limang tinapay at dalawang isda, na siya namang pinaghati-hati ni Hesukristo upang pakainin ang libo-libong mananampalataya.
Sa kasaysayan din ng simbahan, nabatid na ang isda ay simbolo ng Kristiyanismo at ginagamit ng mga Kristiyano noong unang panahon upang matukoy kung sino ang kapwa nila mananampalataya. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.