SAWA na ang mamamayan sa pagkakawatakwatak dahil lamang sa politika at personal na interes ng iilan, hinahanap at inaapuhap naman ngayon ng bawat mamamayan ang tunay na pagkakaisa upang tunay na maiangat ang ekonomiya ng bansa at ang buhay ng bawat Filipino.
Konting kibot ay puro batikos ang inaabot ng administrasyon mula sa mga kritiko nito, na hinihinalang sinususian ng mga dayuhang gusto lamang makapanggulo sa bansa para protektahan ang kanilang interes.
Konting salita ng Pangulo ay may mabilis nang nananakbong patungo sa International Criminal Court (ICC) upang magreklamo, samantalang ni hindi ito ahensiya ng United Nations kundi isang priba dong grupo na nangingialam at tumatapak sa soberanya ng mga bansa.
Nararapat na mamulat na ang mga Filipino na sa pagkakaisa lamang makakamit ang tunay na tagumpay.
Imbes na politika ay magtulungan para sa pagsolusyon sa pagkain, kalusugan at edukasyon ng bawat Filipino. Nararapat na makiisa na ang mga kritiko sa pamahalaan upang makatulong na sila sa mithiin ng sambayanan na makaahon na sa pagkakalugmok sa kahirapan.
Nakasisiguro akong matutuwa ang taumbayan kung tatalima ang lahat ng nanlilibak sa gobyerno na makipagtulungan sa pangulo at sa mga programa nito. Pihadong matutuwa ang mamamayang Filipino na magsisilbing saksi na minamahalaga nila ang pagkakaisa kaysa sa dikta ng partido, personal na rason o impluwensiya ng dayuhan para sa pagkakawatakwatak.
Napakaganda naman talaga kung magiging matulungin ang bawat isa imbes na maging balakid sa mithiin ng sambayanang Filipino.
Naniniwala naman ang MASAlamin na likas ang kabutihan sa bawat Filipino at tunay na nasa puso ang kapakanan ng bayan.
Narito at nananawagan na, hindi lamang ang taumbayan kundi mismong ang Inangbayan para sa makasaysayang sandaling ito sa buhay ng ating bansa, pagkakataon na ng Filipinas para sa tunay na pagbabago at maisulong ang mga programa at proyektong tumutugon sa mga mithiin ng bawat isang Filipino.
Heto na ang pagkakataong iyon, nasa ating harapan na ang guhit ng kasaysayan na matagal na nating inasam-asam na maisakatuparan, heto na at nasa ating harapan, naghihintay na lamang kung pakikinggan ang panawagan para sa pagkakaisa para sa pagbabago.
Mabuhay ang bawat Filipino!
Comments are closed.