ANG pagtutulungan sa pagitan ng pampublikong sektor at ng pribadong sektor ay palaging nagbubunga ng mga magagandang epekto para sa ating bansa, lalo na sa ganitong panahon. Ito ay muling napatunayan nang magtulungan ang MVP Group of Companies, Department of Public Works and Highways (DPWH), at ang Iglesia ni Cristo (INC) para sa isang malaking inisyatiba ukol sa kalusugan at kaligtasan. Ito ay ang paghanda at pagkumpleto sa “We Heal as One Center” – isang pasilidad na may 300 na kapasidad na mga kama na magsisilbing treatment facility para sa pandemyang COVID-19.
Ang inisyatibang ito ay naging posible sa tulong ng INC na nagbigay ng pahintulot na pansamantalang gamitin ang Philippine Arena na matatagpuan sa Ciudad de Victoria, Bocaue, Bulacan bilang bahagi ng Bayanihan to Heal as One Act ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang pasilidad ay matagumpay na nakumpleto alinsunod sa pamantayan ng Department of Health (DOH) patungkol sa espasyo na 3.05 metro kwadrado kada pasyente.
Ang nasabing pasilidad ay nakatakda nang ipaubaya sa COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID). Ang pasilidad na ito ay gagamitin para sa mga overseas Filipino worker na sasailalim sa mandatory quarantine. Gagamitin din ito sa mga pasyente ng COVID-19 na magmumula sa probinsya ng Bulacan at Pampanga.
Ang matinding suportang ibinibigay ng MVP Group of Companies sa ating pamahalaan laban sa COVID-19 ay isang matibay na patunay ng epektibong pagtutulungan sa pagitan ng pampubliko at pribadong sektor. Ang mga kontribusyon ng MVP Group sa nasabing mga proyekto ng pamahalaan ay bahagi ng patuloy na suporta ng grupo sa paglaban ng bansa sa pandemyang ito. Malaki rin ang bahagi ng grupo sa pagtulong sa mga frontliner at mga lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga miyembro ng MVP Group of Companies na may bahagi sa pagkumpleto ng pasilidad ay ang Meralco. Nagtayo ng walong konkretong poste at nagkabit ng siyam na transformer upang mabigyan ng koryente ang tatlong mega-tent. Hindi na rin siningil ng Meralco ang mga ginastos nito sa pagkakabit ng koryente sa pasilidad at siniguro pa ang tuloy-tuloy na daloy ng koryente rito.
Ang Maynilad naman, kasama ng sangay nito na Philippine Hydro Inc., ay naghandog ng libreng pagkakabit ng metro para sa supply ng tubig sa mga pasilidad na ito.
Upang masuportahan naman ang pangangailangan ng pasilidad patungkol sa linya ng komunikasyon ay kinabitan ng libreng serbisyo ng Wi-Fi mula sa Smart Communications upang magkaroon ng pagkakataon na makapag-online ang ating mga frontliner at pati na rin ang mga pasyente. Mahalaga ito upang manatiling bukas ang komunikasyon ng mga ito sa kanilang mga mahal sa buhay na hindi nila makasama sa ganitong pagkakataon.
Ang Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) sa pamamagitan ng NLEX Corp. ay magbibigay ng espesyal at eksklusibong access sa mga grupong medikal na dadaan sa NLEX pupunta sa Philippine Arena. Kasama rito ay ang libreng toll fee para sa lahat ng frontliners, ambulansya, mga medical service van, at mga support team bus ng Health department.
Upang masiguro ang maayos na daloy ng sasakyan sa lugar, tutulong ang NLEX Corp. sa pangangasiwa ng trapiko at pati na rin sa pagbabantay dito 24/7 sa pamamagitan ng CCTV system nito. Mayroon ding maglilibot na crew at nakaantabay na mga emergency response at engineering team upang masiguro na hindi magkakaroon ng problema ang biyahe mula sa NLEx papunta sa pasilidad.
oOo
Mga daanan sana’y ayusin na
Bilang isang mamamayan na palaging sumusunod sa batas, mahigpit kong sinusunod ang mga panuntunan patungkol sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ). Ngunit dumarating talaga ang mga araw na kailangan kong lumabas ng bahay upang bumili ng aking mga kailangan sa bahay. Napakaginhawa na maluwag ang trapiko ngayon kaya mas mabilis ang byahe patungo at pabalik mula sa mga grocery store sa aming lugar.
Ngayong kaunti lamang ang mga sasakyan sa daan, bigla kong naisip na hindi ba ito ang tamang panahon upang ituloy ng pamahalaan ang mga paggawa ng mga sira-sirang daan? Bakit hindi samantalahin habang wala halos sasakyan na dumadaan sa mga lansangan. Ito na ang perpektong panahon para sa DPWH at sa Metro Manila Development Authority (MMDA) sa halip na hintayin na matapos ang ipinatutupad na lockdown.
Sayang lamang ang pagkakataon kung hihintayin pa ang pagtatapos ng ECQ bago ituloy ang pag-ayos sa mga daanan. Sa oras na matapos ang lockdown, unti-unti ay babalik na sa halos normal ang takbo ng buhay at malamang ay maraming sasakyan na naman ang dadaan sa mga lansangan. Maaari pa rin namang ipatupad ang social distancing habang inaayos ang mga daanan. Marahil ay kailangan lamang siguraduhing mayroong mga mask at mga kagamitan para sa kaligtasan ang mga trabahanteng gagawa ng mga daan habang ECQ.
Ang pagsuspinde ng paggawa sa mga daanan habang ipinatutupad ang ECQ ay tila kontra sa pagiging produktibo. Ang quarantine na ito, enhanced man o hindi, ay patuloy na ipatutupad ng pamahalaan hanggang walang epektibong bakuna laban sa COVID-19. Sayang ang panahon kung hihintayin pa ang bakuna bago ipagpatuloy ang paggawa sa mga sirang daan. Ayon din sa mga siyentipiko, kailangang maghintay ng higit sa 18 na buwan bago malaman kung mabisa nga ba ang bakuna.
Tiyak na maraming magpapasalamat na mga motorista kung sa pagbalik ng mga ito sa lansangan ay maayos na ang kanilang mga dadaanan. Mas mainam na ito kaysa mapulaan na naman ang MMDA at ang DPWH at masabihan na maaari sanang sinamantala ang lockdown kaysa hinintay pa itong matapos bago ayusin ang mga daanan.
Maraming mga mamamayan ang sabik na sabik nang makalabas muli ng bahay sa oras na matapos ang pandemyang ito. Bunsod nito, napakalaki ng posibilidad na sa mga unang araw kung kailan maaari nang lumabas ng mga bahay ay agad dadagsain ng mga sasakyan ang mga pangunahing lansangan papunta sa mga lugar na nais nilang dayuhin o sa mga mahal sa buhay na nais nilang bisitahin.
Sa madaling salita, ito na ang tamang panahon upang ayusin ang mga sirang daanan sa ating bansa. Tiyak na maiibsan din nito ang trapiko at magiging mas madali na ang pangangasiwa sa trapiko kung maayos na ang kalagayan ng mga daanan. Ito na ang tamang panahon upang ihanda ang mga lansangan sa pag-asang hindi magtatagal ay makababalik na tayo sa normal na takbo ng ating mga buhay.
Comments are closed.