PAGKAKAISA SUSI PARA SA MATAGUMPAY NA PAGDARAOS NG 2023 FIBA BASKETBALL WORLD CUP SA BANSA

Joe_take

ANG basketbol ay isa sa mga pinaka-tinatangkilik at minamahal na isports ng mga Pilipino.

Kung tutuusin, mas nabibigyan pa ng pansin ang larong ito kumpara sa pambansang laro ng Pilipinas na arnis kung kaya hindi kataka-taka na marami ang nakaabang sa napipintong pagdaraos ng FIBA Basketball World Cup sa ating bansa. Mismong ang bagong halal na chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) na si Noli Eala ang naghihimok na suportahan ang paghahandang ginagawa ng pribadong sektor at ang kampanya ng Gilas Pilipinas.

Hindi biro ang gaganaping torneo sa ating bansa dahil noong taong 1978 pa nang huling ginanap ang FIBA World Cup sa Pilipinas, at sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng torneo, ito ay gaganapin sa tatlong iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas. Ang dalawang bansang ating magiging katuwang ay ang Japan at Indonesia.

Sa madaling salita, matapos ang halos limang dekadang paghihintay, muling mabibigyan ng pagkakataon ang Pilipinas na maging bahagi ng panibagong yugto ng kasaysayan ng basketbol kaya napakahalagang masiguro na magiging maayos at matagumpay ang takbo ng torneong ito. Ang tagumpay nito ay nakasalalay, hindi lamang sa mga personalidad at organisasyong gaya ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na nasa likod ng paghahanda nito, kundi pati na rin sa atin bilang mga mamamayan ng bansa dahil dala natin ang pangalan ng Pilipinas.

Noong ika-27 ng Agosto ay opisyal nang sinimulan ang countdown para sa nalalapit na FIBA World Cup. Isang taon mula sa petsang ito ay gaganapin ang torneo sa bansa. Ang nasabing countdown ay pinangunahan nina SBP Chairman Emeritus Manny V. Pangilinan, SBP President Al Panlilio, World Cup Chair Richard Carrion, local ambassador at 2018 Miss Universe Catriona Gray, at Tissot representative Denise Dy sa SM MOA kung saan pinaandar na ang orasan na simbolo ng countdown.

Sa nasabing kaganapan, ipinahayag ni SBP President Panlilio ang kanyang pananabik sa nalalapit na pagdaraos ng torneo. Aniya, talagang hinihintay niya ito mula pa noong maipanalo ng Pilipinas ang hosting ng FIBA World Cup noong 2017. Hindi kataka-takang talagang nakatutok ang organisasyon sa mga paghahandang kailangang gawin para sa torneo.

Bukod sa PSC, maraming iba pang organisasyon gaya ng Philippine Basketball Association (PBA), University Athletic Association of the Philippines (UAAP), at National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang nagpahayag din ng suporta para sa gaganaping torneo. Bukod kasi sa maipakikita natin sa mundo ang kahusayan ng Pilipinas sa pagiging host ng FIBA World Cup, magbubukas din ito ng samu’t saring oportunidad na makatutulong sa pagbuti ng ating ekonomiya.

Ayon kay SBP Chairman Senator Sonny Angara, inaasahang maraming turista ang dadayo rito para suportahan ang kanilang mga bansa. Ito ay magandang pagkakataon para sa industriya ng turismo. Tinatayang nasa 80 na iba’t ibang national team ang naghahangad na makasungkit ng puwesto sa torneo na may lugar lamang para sa 32 koponan.

Dahil sa pagkakataong ito, hinihikayat ni Head of the Senate Committee on Tourism Nancy Binay ang pamahalaan na gumawa ng inter-agency council na susuporta sa mga ginagawang paghahanda ng pribadong sektor upang masiguro ang tagumpay ng pangangasiwa sa torneyo. Hinihimok din nya ang Department of Tourism (DOT) na makipagtulungan sa pribadong sektor na siyang punong abala sa FIBA World Cup upang masiguro na magiging kaaya-aya ang karanasan ng mga turista sa Pilipinas. Ang layunin ay ang mahikayat ang mga turista na pahabain ang kanilang bakasyon, at muling bumalik pa sa ating bansa.

Sa katunayan, batay sa mga napili bilang venue ng torneo sa bansa, siniguro ang pagkakaroon ng sapat na kapasidad bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga turistang susuporta sa kanilang mga pambato. Sa pangalawang pagkakataon, gagamitin muli bilang venue ang Araneta Coliseum na kilala na ngayon bilang Smart Araneta Coliseum. Isa ito sa dalawang venue na ginamit noong 1978 kasama ng Rizal Memorial Coliseum.

Tiyak na mas magiging kapana-panabik ang takbo ng torneo dahil bukod sa Smart Araneta Coliseum na may kapasidad na 15,000 katao, kabilang na rin ang dalawa pang sikat na gusali sa bansa – ang Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay na may 20,000 na kapasidad, at ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan na 55,000 naman ang kapasidad. Malaki ang nasabing mga lugar kaya tiyak na mas marami ring mga supporter at fans ang makakapanood sa mga laro.

Bukod sa paghahanda ng mga miyembro ng pribadong sektor at ng pamahalaan, todo rin ang pagsasanay at pagpapalakas na ginagawa ng Gilas Pilipinas na kakatawan sa Pilipinas sa torneo. Malaki ang potensiyal ng koponan dahil bukod sa kasalukuyang lineup nito na binubuo ng mga malalakas na manlalaro, madadagdagan pa ito ng kahusayan ng dalawang basketball superstar na sina Jordan Clarkson at Kai Sotto.

Kung iisipin, tila mahaba pa ang isang taon, ngunit mas mainam na ang ginagawa na ng SBP ang maagang paghahanda para sa malaking torneong ito. Ito ay isang pagkakataong hindi dapat sayangin kaya napakalaking bagay rin ng suportang ibibigay ng pamahalaan at ng iba pang miyembro ng pribadong sektor.

Ako ay naniniwala na ang pagtutulungang ito ang magsisilbing inspirasyon na siyang magdadala sa Gilas Pilipinas at sa ating bansa sa rurok ng tagumpay sa makasaysayang kaganapang ito.