ni Riza Zuniga
Sa ika-126 taong pagdiriwang ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya noong 1898, ginugunita ito sa loob at labas ng bansa.
Napakaraming komunidad ng mga Pilipino ang nabuo sa iba’t ibang bansa. Kanya-kanyang pagdiriwang.
Ipinagmamalaki ang pagka-Pilipino, at iwinawagayway ang bandila na sasagisag sa kasarinlan.
May sining at kulturang programa, mayroong eksibisyon, may mga tiyanggian, job fairs, at kung anu-anong pakulo para maipagdiwang ang Araw ng Kalayaan tuwing ika-12 ng Hunyo.
May mga pagdiriwang na tatagal ng tatlong araw hanggang isang buwan para mas
maipakita sa mga mas nakakabata ang kahalagahan ng Araw ng Kalayaan para sa Pilipino.
Isa sa temang nabuo ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ay “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan,” iba’t ibang palatuntunan at programa sa Maynila, Bulacan, Cavite at Pampanga.
Pagkakakilanlan.
Maigting ang nadarama ng mga Pilipinong nasa labas na bansa kapag sumasapit ang Araw ng Kalayaan. Kahit matagal nang nanirahan ang ibang Pinoy sa ibang bansa, nasa puso at isip nila na sila ay mananatiling Pilipino; Pilipino sa gawa at salita, Pilipino sa mga gawi at pagkaing Pinoy na kinahiligan at kinalakihan.
Ipinagmamalaki ng iba ang pangalang nabuo mula sa kalendaryo, isang pagkakakilanlan sa mga Pinoy. Idagdag pa ang kulay kayumanggi ng balat at kulay itim na buhok, bagama’t marami na ang naimpluwensyahan na maganda ang maputi at kaiga-igaya ang may kulay ang buhok.
Ang bagong hirang na kakatawan sa Miss Universe ay babasag sa karaniwang napipili na mestisa at maputi sa mga kandidata sa mga patimpalak sa pagandahan. Sa ilan, panahon na para ipagmalaki ang kulay, maganda ang kulay kayumanggi.
“Taos noo pa din sa pagiging isang tunay na Pilipino kahit nandito ako sa Italy at laging kinasasabikan ang pag-uwi sa Pilipinas,” sabi ni Teddy Perez, isang inhenyero at nagsusulat tungkol sa mga OFW na nasa Italy.
Para kay Bob Capistrano, isang professor sa isang University sa China, “Ipinagmamalaki ko ang mga frontline workers natin, mga nasa ospital, mga nasa restaurant — kasi nagsasakripisyo sila kahit alam nilang pwede silang magkasakit.”
Iba rin ang salaysay ni Margarita Lavides, isang professor sa isang University sa New York, “At some point, nakaranas ako ng diskriminasyon dahil sa pagiging Person with Disability (PWD). Ganunpaman, hindi kailanman nabawasan ang pride ko bilang Pilipino dahil napatunayan ko na kaya ko rin makipagsabayan sa predominantly white, male-dominated na lipunan ng Amerika sa larangan ng higher education.”
Dagdag ni Lavides, “Maipagmamalaki ko at nawitness ko ang ‘strong family ties’ at Filipino bayanihan spirit dito sa Northeast. Nakita ko kung gaano kahusay ang mga Filipino-American educators na humahakot ng ‘excellence in teaching awards.’
Kalayaan.
Magkakaroon ng pagtataas ng bandila sa ikawalo ng umaga ng ika-12 ng Hunyo sa Rizal Park na pamumunuan ng Pangulo ng Pilipinas, Ferdinand “Bongbong” Marcos at magkakaroon ng Parada ng Kalayaan na magsisimula sa ikatlo ng hapon sa Quirino Grandstand.
“Ang tunay na kahulugan ng kalayaan, iyung kalayaan ng mga Pilipino hindi lamang sa mga dayuhan bagkus pati na rin sa mga hindi tapat at mapang-abusong kababayan,” saad ni Perez.
Pahayag naman ni Capistrano, “Sa Independence Day, hangad ko ang kalayaang makapag-isip ng tama.”
Hindi nga nagtatapos sa pagiging malaya lamang sa pananakop ng mga dayuhan dahil mas mabigat na kalaban ang nagbibingi-bingihan at nagtutulug-tulugan sa hinaing ng kapwa Pilipino.
Hindi rin dapat hatulan ang mga nagsisilisan ng bansa at paratangang hindi makabayan; bunsod ng kahirapan at kawalan ng trabahong akma sa mga Pinoy, nais nilang maging malaya sa kahirapan at magkaroon ng oportunidad para makapag-aral para maging maginhawa ang buhay sa kinabukasan.
Isang kalayaan na mag-aangat sa antas ng edukasyon ng mga Pilipinong ang pakiramdam ay nabansot sa mga dapat na malaman para higit na maging kapaki-pakinabang sa Pilipinas at maiahon ang mga Pilipino sa kahirapan at kapighatian, bagkus buhayin ang katiting na pag-asang nadarama sa kanilang komunidad.
Kasarinlan.
Para tunay na makamtan ang kasarinlan, nagwika si Capistrano, “Maging maayos lang ang governance.”
Inaasam ni George Banez, isang Pilipinong Environmentalist sa Amerika, “Inaasam ko ang kaunlarang ekonomika o economic development para sa Pilipinas. At itong kaunlaran sana ay maging sustainable. Sa madaling sabi, ang healthy environment o kapaligiran na pinagmumulan ng stage ng lahat ng economic activity ay manatiling functional at productive.”
Sa paglipas nga ng panahon, para saan nga ang kasarinlan kung hindi dumadaloy ang magandang ekonomiya at malusog na kapaligiran.
Isang mahusay na paliwanag rin para sa mga nangangarap mangibang bansa, ganito ang naging pahayag ng mag-ina na napagtapos sa isang Canadian University ang anak, “Kami ng anak kong si Yves, bawat Pinoy na may magtanong sa amin kung paano nag-aral ang aking anak, ano mga requirements, saang school pwede mag-aral, matiyaga kaming nagpapaliwanag.”
Ayon kay Len Restor, masaya sa kanyang online work sa Canada, “ We spend time to meet with them para lang maipaliwanag at mabigyan ng encouragement na mag-aral sila.”
Kailan lamang na napabalita sa social media na maraming Pilipino ang homeless sa Canada, kung kaya’t ang mag-inang Len at Yves ay hindi rin nagkukulang sa pagbabahagi na kung ano ang mga gamit na kakailanganin na maaring mabili na hindi kamahalan.
Sa nais bigyang diin ni Lavides, “Nangunguna na rito ang sana ay patuloy na maipaglaban ang karapatan natin sa West Philippine Sea at mapagtagumpayan ito. Pangalawa, ang maging consistent sa mga adbokasiya at polisiya sa implementasyon o aksyon ng gobyerno sa baba.”
Dugtong ni Lavides, “Halimbawa, napakaganda ng sinasabi natin sa mga polisiya at mga international at local na meetings ukol sa climate change pero patuloy din nating pina-iigting ang pagtatayo ng mga natural gas power plants.
Sana kung ano ang galing nating magbuo ng batas at polisiya ganun din sa implementasyon.”
Ang ikapagtatagumpay ng kasarinlan ng bansa ay ang pagsasaayos ng mga polisiyang, ang mas higit na makikinabang ay mga Pilipino, hindi ang mga dayuhan.