Pagkakaroon ng OFW Hospital sa Pampanga, itinutulak ni Sen. Go

Itinutulak ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagkakaroon ng Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital and Diagnostic Center sa San Fernando City, Pampanga sa kanyang Senate Bill No. 2297.

Nais ni Go sa kanyang isinampang panukalang batas na magbigay ng serbisyong pangkalusugan at suporta sa mga tinaguriang modern-day heroes na walang pagod na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Sa kanyang video message sa isinagawang relief efforts ng kanyang grupo sa Heroes Hall sa San Fernando City noong Miyerkoles ay kanyang inalala ang paglaki ng bilang ng mga Filipino na naghahanap ng magandang oportunidad sa ibang bansa.

Aniya, malaki ang ginagampanang papel ng mga OFW para sa paglago ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang ipinapadalang remittances at ipinapakita rin ang kahusayan nila sa pagtatrabaho.

Isa sa probisyon ng panukalang batas ay magbigay ng alokasyon ng pondo para sa maintenance at operation ng OFW Hospital, na nagpapakita ng commitment ng pamahalaan na iprayoridad ang pangangailangang pangkalusugan ng mga OFW at kanilang pamilya.

“Ang pagkakaroon ng iisang departamento para sa mga Pilipinong itinuturing nating mga bagong bayani nasaan man sila sa mundo, at ang pagpapatayo ng OFW hospital para sa kanila at kanilang mga pamilya na mayroong Malasakit Center ay iilan lamang sa mga patunay na kapag magtulungan tayo, ang mga pangarap noon ay kayang maisakatuparan na ngayon,” dagdag pa ni Go.