MARAMI akong kakilala na dinarapuan ng sakit kung kailan nagbabakasyon. Sayang nga naman kung kailan nasa ibang lugar ka ay saka ka naman magkakasakit. Hindi mo mai-enjoy ang bakasyon dahil wala kang pagpipilian kundi ang magkulong sa kuwarto para makabawi ng lakas.
At dahil hindi naman talaga natin malalaman kung kailan tayo darapuan ng sakit, narito ang ilang tips o paalala nang ma-enjoy ang pamamasyal:
PALAKASIN ANG KATAWAN BAGO BUMIYAHE
Habang papalapit na nang papalapit ang araw ng pagtungo natin sa isang lugar, excited tayo. Minsan nga ay halos hindi pa tayo makatulog sa kaaabang sa pagdating ng araw ng ating pag-alis.
Hindi naman talaga maiiwasan ang ma-excite. Ngunit kaakibat nito ang hindi pagkatulog.
Bago ang araw ng pag-alis o pagtungo sa isang lugar, napakahalagang malakas ang iyong pangangatawan at nakapagpahinga kang mabuti.
Sabihin na nating sa ibang lugar ka tutungo. Hindi ka sigurado kung anong klima ang mayroon sa pupuntahan mo. Puwedeng mainit. O kaya naman, malamig.
Sa pabago-bagong klima o panahon, hindi maiiwasan ang pagkakasakit. At kung mahina ang immune system mo, darapuan ka kaagad.
Kaya naman, isa sa kailangang tandaan ay palakasin ang pangangatawan bago ang panahon o araw ng pag-alis. Kung malakas nga naman ang katawan, hindi ka agad-agad magkakasakit.
PANATILIHING MALINIS ANG MGA KAMAY
Importante rin ang pagpapanatiling malinis ng mga kamay lalo na kung nasa ibang lugar ka. Madaling dapuan o kapitan ng dumi ang kamay at kung hindi natin ito pananatilihing malinis, maaari tayong magkasakit.
Hindi lang din dapat kamay ang panatilihing malinis kundi ang buong katawan.
PILIING MABUTI ANG KAKAININ AT IINUMIN
Ang sarap nga namang kumain lalo na kapag nasa ibang lugar. Marami tayong puwedeng pagpiliang pagkain na doon lang natin matitikman. Sayang din naman kung hindi mo susubukan.
Sa totoo lang, bukod nga naman sa kagandahan ng lugar, isa pa sa dinarayo ng marami ang iba’t ibang putaheng ipinagmamalaki ng isang lugar o bansa. Hindi naman talaga maiiwasan ang kumain. Gayunpaman, piliin lang natin ang mga pagkaing ating kakainin. Uminom lang din ng malinis na tubig kapag nasa biyahe o ibang lugar.
Pagkain at inumin kasi ang isa sa dahilan ng pagkakasakit lalo na kung nagta-travel. At para maiwasan ito, mainam kung magiging maingat sa pagkaing lalantakan.
PROTEKTAHAN ANG KATAWAN
Bukod sa pagpapanatiling malakas ng katawan, kailangan ding protektahan natin ang ating katawan. Una, protektahan natin sa init o sikat ng araw. Alam naman nating hindi maganda sa balat ang sikat ng araw. Kaya kung magta-travel o magtutungo sa ibang lugar, magdala ng sun protection.
Ikalawa, umiwas sa lugar na maraming insekto gaya na lang ng lamok. Para rin maprotektahan ang katawan laban sa insekto o lamok, magdala rin ng insect spray.
Huwag ding kaliligtaan ang pagbibitbit ng alcohol at wet wipes.
MAGPAHINGA NANG MABUTI
Kapag nasa ibang lugar tayo, ang sarap mamasyal. Kung puwede lang na huwag nang matulog o magpahinga para masulit ang bakasyon o pamamasyal, gagawin ng marami sa atin.
Ngunit isa ito sa kailangang iwasan nang hindi magkasakit o humina ang katawan habang nasa ibang lugar.
Oo nga’t masarap mamasyal at gusto mong sulitin ang pananatili roon. Ngunit hindi ibig sabihin niyon ay sasagarin mo na ang iyong sarili at papagurin.
Pahinga, importanteng-importante iyan.
Isipin mo na lang, kung hindi ka magpapahinga at nagkasakit ka, mas lalo mo lang na ‘di mai-enjoy ang pamamasyal o pagtungo mo sa ibang lugar.
Kaya tandaan, magpahinga ng maayos nang masulit ang pagbabakasyon.
PANATILIHING HYDRATED ANG KATAWAN
Isa pa sa dapat nating tandaan ay ang pagpapanatiling hydrated ng katawan lalong-lalo na kapag nasa ibang lugar. Huwag kaliligtaan ang pag-inom ng tubig. Minsan kasi, sa kaabalahan natin sa pamamasyal ay nakaliligtaan na natin ang pag-inom.
Siguraduhin ding malinis ang tubig na iniinom nang hindi magkasakit.
Maraming simpleng tips para maiwasan ang pagkakasakit kapag nasa biyahe o ibang lugar. Maging maingat lang at itatak sa isipan ang ilang paalalang ibinahagi namin. CT SARIGUMBA
Comments are closed.