PAGKAKASUSPINDE NI GOV. CUA, PINURI

GOV CUA

PINURI ng maraming residente ng Catanduanes ang pagkakasuspinde ng Office of the Ombudsman ng anim na buwan kay Governor Joseph Cua.

Sinabi ni Rey Mendez, marami sa kanilang mga kababayan sa Catanduanes ang nagpapasalamat sa Ombudsman dahil sa ipinataw na suspensiyon sa kanilang gobernador.

Ayon kay Mendez, sa susunod na mga araw ay magpapa-file pa siya ng karagdagang kaso na graft and corruption laban kay Cua bunsod umano ng mga bagong anomalya na natuklasan mula sa tanggapan ng gobernador.

Aniya, marahil ay nakakita ng “probable cause” ang Office of the Deputy Ombudsman for Luzon kaya pinatawan nila ng suspensiyon si Gov. Cua  na ipinatupad naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Si Cua ay pinatawan ng anim na buwang suspensiyon simula noong Enero 10, 2019  dahil sa kasong “abuse of authority, dishonesty, grave misconduct and conduct prejudicial to the interest of public service.”

Bago pa ang naturang kaso, sinasabing nasangkot na rin ang gobernador sa kontrobersiya matapos siyang imbestigahan ng Congressional committee on dangerous drugs noong 2017 kasama ang mga opisyal ng First Catanduanes Electric Cooperative, Inc. (FICELCO) dahil sa nabunyag na operasyon ng isang “mega-shabu laboratory” sa Virac, Cantanduanes.

Maging ang pamilya ng pinaslang na local journalist at newspaper publisher na si Larry Que na inambus  noong Disyembre 19, 2016 ay una na ring nag-file ng kaso laban kay Cua makaraang sabihin ng sumukong pulis na si PO1 Vincent Tacorda na ang gober­nador ang umano’y utak sa krimen. PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.