NAGPAHAYAG ng suporta si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa pagkakatalaga sa pinalitan niyang dating Secretary Eduardo Año, bilang bagong National Security Adviser(NSA).
Sa isang pahayag, tiniyak din ni Abalos na buo ang kanyang suporta sa desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na italaga si Año sa naturang posisyon, dahil tiyak na mahusay nitong magagampanan ang naturang tungkulin, gaya nang ginawa niyang bilang chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at kalihim ng DILG sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Nakatrabaho rin aniya niya ito sa pagbuo ng mga istratehiya at mga pamamaraan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente ng Metro Manila sa ilalim ng Interagency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) noong kasagsagan nang COVID-19 pandemic na nagresulta sa pagbaba ng mga naitatalang kaso ng sakit, gayundin sa matagumpay na rollout ng vaccination program sa metropolis.
“Maaasahan ng ating bagong National Security Council (NSC) Chief ang suporta at kooperasyon ng DILG at ng Philippine National Police kasama na ang mga LGU sa mga programa at polisiyang ipapatupad niya para sa pangkalahatang seguridad at kapayapaan ng bansa,” aniya pa.
Ang 61-taong gulang na si Año ay isang retired general at naging miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1983. Nagsilbi siyang kalihim ng DILG sa ilalim ng Duterte administration mula 2018 hanggang 2022.
Pinalitan nito si Dr. Clarita Carlos, na bumaba sa posisyon na nagpasyang ipagpatuloy ang kanyang scholastic endeavors sa Congressional Policy and Budget Research Department ng House of Representatives.
EVELYN GARCIA