PAGKALAT NG DELTA VARIANT KONTROLADO NA

Joe_take

ISANG napakagandang balita ang malamang tila tuloy-tuloy na ang pagbaba ng bilang ng bagong kaso ng COVID-19 kada araw mula sa mataas na bilang na humigit kumulang 20,000 na kaso kada araw noong Setyembre.

Bunsod ng patuloy na pagbaba ng bilang ng bagong kaso, idineklara na ng Department of Health (DOH) kamakailan ang Pilipinas bilang low risk sa nasabing virus. Kaugnay nito, inanunsiyo rin ng OCTA Research na ang National Capital Region (NCR), gaya ng kabuuan ng bansa, ay low risk na rin.

Ayon kay OCTA Research Fellow Guido David, ang average na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 kada linggo sa NCR ay bumaba sa 901 ngayong linggo kumpara sa 1,405 noong nakaraang linggo. Maging ang positivity rate na nasa 7% noong nakaraang linggo ay kasalukuyang nasa 6%. Ito ay mataas lamang ng bahagya sa inirerekomendang antas ng World Health Organization (WHO) na mababa sa 5%. Bagaman ito ay tunay na magandang balita, nagbigay pa rin ng paalala sa publiko ang OCTA ukol sa patuloy na pag-iingat laban sa virus. Dapat ipagpatuloy ang pagsunod sa mga panuntunang pangkaligtasan at pangkalusugan dahil ang pagiging kampante ay maaaring magresulta sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Matapos mapagtagumpayang kontrolin ang pagkalat ng Delta variant sa bansa, agad namang lumabas ang balita ukol sa unang kaso ng bagong variant na nakapasok sa bansa, ang variant B.1.1.318. Ang variant na ito ay unang nadiskubre sa Mauritius noong Hunyo at napabalitang nagdulot ng matinding pagtaas ng kaso ng virus sa nasabing bansa. Nilinaw naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bagaman may bagong variant na nadiskubre sa bansa, hindi raw dapat mangamba ang mga mamamayan dahil ang B.1.1.318 ay tinukoy ng WHO bilang ‘variant under monitoring’. Ang mga pagsusuri at pagsasaliksik ukol sa katangian nito at epekto ng mga bakuna sa nasabing virus ay kasalukuyang isinasagawa ng mga eksperto.

Nakagagaan naman sa kaloobang malaman na tila maagap ang National Task Force (NTF) against COVID-19 ukol sa usaping ito. Siniguro naman ni NTF Chief Implementer Carlito Galvez, Jr. sa publiko na patuloy nitong ipatutupad ang istratehiyang “prevent-detect-isolate-treat-reintegrate” na siyang naging susi sa pagkontrol sa mas nakahahawang Delta variant.

Bukod sa pag-iwas sa pagkakaroon ng community transmission, pinagsusumikapan din ng pamahalaan ang pagdami ng bilang ng mga healthcare worker sa bansa sakaling magkaroon ng muling pagtaas ng kaso. Binigyang-diin din nya ang pagpapaigting ng pamahalaan sa programa sa pagbabakuna gamit ang istratehiyang ‘vax to the max’.

Ang unti-unting pagbuti ng sitwasyon ng bansa, lalo na sa NCR, ay pagkakataon na muling buksan ang ekonomiya. Hindi ito dapat palagpasin. Napapanahon na upang lalong magsumikap na makabalik sa normal na takbo ng buhay at bawiin ang trilyon-trilyong pisong nawala sa ekonomiya mula nang tayo ay balutin ng pandemyang COVID-19. Ayon sa Japan Center for Economic Research (JCER), tinatayang hindi bababa sa P2.2 trilyon ang halaga ng nawala sa ekonomiya ng Pilipinas.

Upang mabawi ito, kailangan nang muling buksan ang ekonomiya. Kailangang bigyan ng pagkakataon ang iba’t ibang sektor ng bansa na muling makabangon mula sa epekto ng pandemya. Sa patuloy na pagsulpot ng iba’t ibang uri ng variant sa bansa, hindi maipapayong ipagpatuloy ang pananatili sa bahay. Mawawalan ng saysay ang pagsusumikap ng pamahalaan na mabigyan ng bakuna ang mamamayan. Upang maisalba ang ekonomiya ng bansa, kailangan nating matutong mamuhay ng normal sa kabila ng pananatili ng COVID-19.

Ngayong mataas na ang antas ng nabigyan ng bakuna sa NCR, panahon na rin upang ituon ang pokus ng programa sa labas ng rehiyon. Ito ay kinakailangan upang tayo, bilang isang buong bansa, ay magkaroon ng lakas ng loob na mamuhay ng normal sa gitna ng pandemya.

Nananatiling mababa ang bilang ng mga kumpleto sa bakuna sa bilang na hindi bababa sa 26 milyong katao. Dalawang buwan na lamang at magtatapos na ang taong 2021 ngunit malayo pa tayo sa 50% ng populasyon na siyang bagong target na itinakda ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa bansa ilang buwan na ang nakararaan.

Ang COVID-19 ay hindi basta-bastang mawawala. Sa tagal nito, alam na nating lahat na ito ay patuloy na sasailalim sa mutation at patuloy na magiging hadlang sa ating pagbangon. Sa ating lahat nakasalalay kung paano natin ito malalampasan bilang nagkakaisang bansa. Hindi lamang pamahalaan ang kailangang kumilos ukol dito kundi maging tayong mga mamamayan din. Bagamat hindi sapilitan ang pagpapabakuna sa bansa, nawa’y ituring natin ito bilang obligasyon hindi lamang sa bansa kundi pati na rin sa ating kapwa. Protektahan natin ang isa’t isa laban sa virus.