PAGKALAT NG PIGSA SA PDLs INAKSIYUNAN NG BJMP

DAHILAN sa nararanasang matinding init ng panahon, umabot na sa 600 persons deprived of liberty (PDLs) sa mga bilangguan sa National Capital Region (NCR) ang nagkaroon ng sakit na pigsa.

Dahil dito, kumilos na si Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) chief Jail Director Ruel Rivera upang ipatupad ang mga hakbang para hindi na kumalat sa mga jail facility ang mga karaniwang sakit tuwing tag-init gaya ng pigsa.

Kabilang dito ang paglalagay ng karagdagang ventilation systems sa loob ng mga piitan sa NCR.

Kasama rin aniya ang paglalagay ng electric fans, air shelf sa mga bubong at pagpagpapaluwag ng mga bintana.

Inatasan na rin ni Rivera ang BJMP regional directors na kausapin ang water concessionaries para masiguro ang sapat na water supply sa mga inmates para makaligo ang mga ito nang dalawang beses sa isang araw.

Nabatid na ang pigsa at jail rash o “rumbo-rumbo” ay dalawa sa karaniwang problema sa mga kulungan tuwing tag-init.

Samantala, kumpiyansa naman si BJMP spokesperson Chief Insp. Jayrex Bustinera na hindi na tataas ang bilang ng mga kaso ng nagkaka-pigsa dahil marami nang bilangguan ang hindi na siksikan.

Sa talaan ng BJMP ay umabot sa 4,545 ang kaso ng pigsa sa mga inmate mula Marso hanggang Mayo noong nakaraang taon. EVELYN GARCIA