PAGKALINGA SA MGA CONSTRUCTION WORKER: BAKIT MAHALAGA SILA SA PAGNENEGOSYO?

homer nievera

KUMUSTA naman, ka-negosyo? Sana nasa maayos kang kalagayan. Sana rin ay ok naman ang mga mahal mo sa buhay. Pabago-bago man ang estado ng at signos ng pandemya sa bansa, tuloy pa rin ang buhay natin, ‘di ba? Noong nakaraang pitak ko, naibahagi ko ang halaga ng pagtuon ng marketing sa mga Gen Z na tinatawag, bukod sa mga milenyal. Sa pitak ngayon, ibabahagi ko naman ang mga ideya ko ukol sa pagpapahalaga  sa isang bahagi ng ating lipunan na maihahambing ko sa kabuuan na katayuan ng ating mga manggagawa.

Tatalakayin ko sa mga maiikling puntos kung bakit mahalaga ang papel ng construction worker sa ating bansa, at ano ang kinalaman nito sa pagnenegosyo. Nakausap ko kasi kamakailan ang mga tagapagsalita at representatnte ng CWS Party List (Construction Workers Solidarity Party-List) na kumakatawan sa mga construction worker at sa buong industriya ng konstruksiyon sa Pilipinas. Ibabahagi ko ang mga natutunan ko sa panayam na ‘yun. O, ano, tara na at matuto!

#1 Pangunahing senyales sila ng paggalaw ng ekonomiya

Kung tatawag ka ng tagapaggawa ng bahay mo – mapa-kontraktor man ito o ang paborito mong karpintero – tiyak na may pera kang pambayad, tama? Ang perang ibinayad mo ay iuuwi niya sa pamilya at ipambibili sa tindahan, palengke, pang-pamasahe, pambayad sa matrikula, at iba pa. Dahil lamang sa pagpapagawa mo na ito, ang perang ibinayad sa construction worker ay umikot na agad. Wala pa doon ang ipinambili mo ng mga materyales, ang gasolinang ginamit, at pati na rin noong  kumain ka sa fastfood pagkabili mo. Isipin mo ngayon ang paggawa ng mga tulay, kalye, highway, mga building, condominium at iba pa.  Ang pagbuhos ng pera sa ganitong  industriya ay siya ring magpapagulong ng ating ekonomiya. Kung wala ang mga construction worker, sino ang gagawa sa mga ito? Kasama sila sa pag-ikot ng ating ekonomiya. Kaya mahalaga ang pagtutok sa pagkakaroon ng siguradong trabaho sa sektor ng konstruksiyon – o para sa mga construction worker mismo. Dahil kung tuloy-tuloy ang kanilang trabaho, lalakas ang ekonomiya ng bansa.

#2 Mahalaga ang boses nila base sa representasyong kinabibilangan nila

Mahigit 4.4 milyon ang mga pormal na na-empleyong construction worker sa buong Pilipinas ngayong taon, ayon sa datos  ng PSA o ang Philippine Statistics Authority. Kung may limang miyembro ng pamilya ang pinakakain o tinutustusan ng bawat construction worker na pormal na na-empleyo, mahigit 22 milyon katao ang kanilang nirerepresentang boses sa bansa. Wala pa rito ang mga daan-daang libong OFW na construction worker sa ibang bansa at ang mga kinokontrata ng impormal sectoe ng  paggawa o konstruksiyon. Kung susumahin, malamang umabot ng 25 milyon hanggang 30 milyon ang nirerepresenta ng sector na ito, kasama ang mismong mga  employer nila na nasa negosyong konstruksiyon. Halos 30 porsiyento ito ng mga mamamayan ng Pilipinas!

#3 Malaki ang papel nila bilang mga OFW

Hindi na pinag-uusapan ang laki ng kontribusyon ng mga OFW sa Pilipinas. Sa halagang $11.1 bilyong remittance nila sa unang apat na buwan ng 2021, mas mataas ito ng 5.1 porsiyento noong 2020. Kung susumahin sa isang taon, baka umabot ng mahigit $100 bilyon ang kanilang kontribusyon. Alam naman natin na maraming OWFs na nasa industriya rin ng konstruksiyon. Kundi sila construction worker, sila ay foreman, inhinyero at iba pa. Ganyan sila sa kabuuan ng OFWs kung saan nakikilalang propesyunal ang mga  Pilipinong manggagawa sa kabuuan.

#4 Mahalaga sa kanila ang kalusugan

Ang mga hamon sa kalusugan ay ‘di lamang nakasentro sa sektor mismo ng kalusugan. Sa totoo lang, sa mga nakausap ko sa iba’t ibang eksperto, ang kalusugan ngayon ay ang ikalawang problemang nais ng mga Pilipino na tutukan (trabaho ang una). Ayon sa adbokasiya ng CWS Partylist, kanilang pinahahalagahan ang pag-aaruga sa kalusugan ng mga construction worker, kasama ang mga kapwa ka-konstruksiyon.Mayroon silang inihain na batas na magbibigay ng personal accident insurance sa kanila, na sana, maisulong muli sa susunod na termino nila sa Kongreso. Ang pagkakaroon ng dagdag na benepisyo sa SSS at ang maayos na implementasyon ng Universal Health Law ay malaking bagay sa kanila. Sa kasalukuyan, isinasama na rin ang kanilang kalusugan sa pag-iisip na apektado ng magulong estado ng mundo dahil sa pandemya, gaya ng karamihan na rin ng mga Pilipino.  Ang mga problemang nararanasan nila dahil nawalan sila ng trabaho nitong pandemya, o kaya’y ‘di nakapagpadala ng kita sa pamilya ay humahantong sa tumataas na antas ng stress. Patong-patong na isyung pangkalusugan ang magiging resulta nito.

#5 Mayroon  silang mga inaarugang pamilya gaya mo

Mahalaga sa mga ka-konstruksiyon ang pamilya. Kaya sila lumuluwas sa Maynila o Calabarzon mula sa malalayong probinsya para lamang makapagtrabaho. Natigil ang trabaho nila nitong pandemya dahil sa pagtigil ng mga proyekto noong 2020. Nang bumukas unti-unti ang ekonomiya, nakabalik sila sa pagtatrabaho kahit may banta ng COVID. Ang bawat construction worker na may lima hanggang 10 na nakadepende sa kanya ay malaking senyales na pamilya pa rin ang mahalaga sa Pinoy. Ang pag-aaruga sa kalagayan ng isang construction worker at kapwa ka-konstruksiyon ay pag-aaruga sa kanilang buong pamilya. Isinusulong ng CWS Partylist ang maraming batas na patungkol sa livelihood at edukasyon para mapalawig pa ang kaalaman nila. Isang Akademya ng Konstruksiyon ang kanilangisinusulong upang paangatin ang antas ng kaalaman nila at mas lumaki ang kita. Ang mag-implementa ng mga programa ng gobyerno gaya ng TUPAD na nagbibigay ng trabaho sa mga kapamilya nilang nawalan ng trabaho ay patuloy nilang ginagawa sa iba’t ibang probinsya. Nais nila itong ipagpatuloy pa at palakihin sa buong bansa sa susunod na mga taon.

Konklusyon

Ang pangangailangan ng construction worker ay sumasalamin sa kabuuan ng mga manggagawang Pilipino. Kaya naman malaki ang pag-asa nila sa pagpapatuloy na paglago ng industriya ng paggawa o konstruksiyon. Ang ‘Build Build Build’ na programa ni DPWH Secretary Mark Villar ang pangunahing nagpasigla ng ekonomiya  kahit pa may pandemya.

Ayon sa nakaupong congressman at kinatawan ng CWS Partylist na si Romeo Momo, ang pagsulong ng batas na inihain niya patungkol sa pagkakaroon ng 30-taon na programang pang-konstruksyon ang magsisiguro rito. Ito pa rin ang kanilang isusulong sa susunod pang mga taon. Marami pa ring dapat malaman tungkol sa mga mahal nating ka-konstuksiyon. Tandaan na isa sila sa mga tunay na haligi ng ating bayan at dapat pahalagahan ang kanilang nirerepresenta – mga manggagawa na merkado rin ng bawat negosyo. Sa lahat ng gawain sa pagnenegosyo, maging masipag, masinop, mapanuri at magkaroon ng malakas  na pananampalataya sa Diyos.

vvv

Si Homer ay makokontak sa email na [email protected].

138 thoughts on “PAGKALINGA SA MGA CONSTRUCTION WORKER: BAKIT MAHALAGA SILA SA PAGNENEGOSYO?”

Comments are closed.