PAGKAMATAY NG BUNTIS SA OSPITAL IIMBESTIGAHAN

Ospital ng sampaloc

IIMBESTIGAHAN ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang umano’y kapabayaan ng isang ospital sa Maynila na nagresulta sa pagkamatay ng isang buntis.

Unang dinala sa Ospital ng Sampaloc ang biktima at ipinalipat sa Sta. Ana Hospital.

Sa ulat na naisumite kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, dakong alas-8 ng umaga noong Oktubre 21, ay nagpunta umano nang mag-isa ang pasyenteng buntis na si Myra Morga sa Sampaloc Hospital dahil sumasakit ang tiyan at kabuwanan na umano nito.

Agad namang inasikaso ng mga kawani ng nasabing ospital si Morga subalit batay sa pagsusuri ng doktor ay wala nang  “heart beat” ang bata na nasa sinapupunan  kaya’t inirekomenda na ilipat  ito sa Sta. Ana Hospital  na kumpleto ang kagamitan doon.

Batay naman sa ku­malat na “video” sa social media, hindi umano inihatid hanggang sa harapan ng emergency room ng Sta. Ana Hospital ang pasyente kundi sa labas lamang ito ibinaba kung saan pinaglakad pa ito hanggang makapasok sa nasabing pagamutan.

Dahil sa patuloy na pagdurugo, ilang oras lamang ay binawian ng buhay si Myra gayundin ang bata sa kanyang sinapupunan.

Batay sa mediko legal, namatay umano ang pasyente dahil sa Hypovolemic shock, Anemia severe at abruptic placenta.

Kahapon ay humarap sina Director Dra. Aileen Lacsamana ng Sampaloc Hospital at Director Dra. Grace Padilla ng Ospital ng Sta. Ana kay Mayor Domagoso upang makapagpaliwanag kung saan iginiit ng alkalde na paiimbestigahan nito ang nasabing insidente. PAUL ROLDAN

Comments are closed.