PAGKAMATAY NG KADETE NG PNPA SA HAZING KINONDENA

KINONDENA ng Senado ang pagkamatay ng isang kadete dahil sa hazing sa loob mismo ng Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, dapat tiyakin ng PNPA at ng Philippine National Police (PNP) na mananaig ang Anti-Hazing Act of 2018 (Republic Act No. 11053) sa pagkamit ng hustisya para sa yumaong kadete. Una nang nag-utos ng imbestigasyon si PNP Chief General Guillermo Eleazar.

Nanindigan naman si PNPA Director Police Major General Rhoderick Armamento na mahigpit na ipinapatupad ng akademya ang “No to Hazing Policy” nito.

“Ang PNPA ay dapat nagsisilbing halimbawa sa mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa hazing, lalo na’t dito hinuhubog ang kapulisang magtatanggol sa ating mga mamamayan. Ang pagpapatuloy ng ganitong mga gawain sa loob ng akademya ay pang-iinsulto at pagbabalewala sa ipinasa nating batas,” ani Gatchalian.

“Hindi natin dapat ito pinalalagpas. Ang mga kadete ay dapat nagtataguyod sa karapatang pantao at sa karangalan ng institusyong nais nilang kabilangan,” dagdag ng senador.

Ipinagbabawal ng batas ang anumang uri ng hazing sa fraternities, sororities, at mga organisasyon sa mga paaralan, kabilang ang citizens’ military training at citizens’ army training.

Sa ilalim din ng batas, may mga pisikal, mental, at psychological testing at training para sa mga nais pumasok sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP na hindi maituturing na hazing. Ito iyong mga inaprubahan ng Secretary of National Defense at ng National Police Commission, at inirekomenda ng AFP Chief of Staff at hepe ng PNP.

Ang hatol na reclusion perpetua at multang tatlong (3) milyong piso ang nag-aabang sa mga nagplano at lumahok sa hazing na nagdulot ng kamatayan, rape, sodomy, o mutilation.

Ayon sa ulat ni Armamento, sinuntok ng suspect na si Cadet 2nd Class Steven Caesar Maingat si Cadet 3rd Class George Karl Magsayo sa loob ng kanilang dormitoryo noong Setyembre 23. Nag-collapse si Magsayo at nabigyan ng first aid ng kapwa niya mga kadete na inalerto rin ang mga opisyal ng akademya. Itinakbo si Magsayo sa ospital ngunit binawian na ito ng buhay.

Kasalukuyang hawak ng Silang Police si Maingat, na inaasahang sasampahan ng mga kasong kriminal. Binuo na rin ang Special Task Group-Magsayo upang imbestigahan ang insidente. VICKY CERVALES

135 thoughts on “PAGKAMATAY NG KADETE NG PNPA SA HAZING KINONDENA”

  1. 786436 774270Im so pleased to read this. This really is the type of manual that needs to be given and not the accidental misinformation thats at the other blogs. Appreciate your sharing this greatest doc. 793124

Comments are closed.