Pagkamatay ni Cheslie Kryst ipinagluksa ng Filipino beauty queens

NAGLULUKSA sina Catriona Gray, Pia Wurtzbach at ang Miss Universe organization sa pagkamatay ni Miss USA 2019 Cheslie Kryst noong January 30 sa edad na 30 years old.

Ayon sa report, tumalon si Kryst mula sa kanyang Manhattan apartment at natagpuan ang kanyang katawan sa sidewalk sa labas ng gusali.

Hindi sinabi kung ano talaga ang kanyang ikinamatay ngunit kinumpirma ng New York Police Department na nagpakamatay siya.

Hindi naman makapaniwala si dating Miss Universe Catriona Gray sa nangyari, ngunit sana raw ay matahimik ang kaluluwa nito.

Nanawagan di si Catriona sa lahat na ipagdasal ang kaluluwa ni Cheslie at sana raw ay ma­ging mas maunawain sila sa mga kaibigan nilang nagkakaroon ng problema.

Isinisisi kasi ng mga kaanak ni Cheslie ang kanyang pagpapakamatay sa pagkakaroon ng mental health problem.

Ani Catriona, dapat tayong mag-reach out sa mga kaibigan at mahal sa buhay na nangangailangan ng mental health support.

“Let’s reach out to friends and loved ones. These continue to be isolating times, mental health is so important, let’s not downplay its importance in the lives of every individual,” aniya.

Bago namatay  — o nagpakamatay, nag-share si Kryst ng larawang may caption na, “May this day bring you rest and peace.”

Maging sina dating Miss Universe Pia Wurtzbach, Binibining Pilipinas Universe 2019 Gazini Ganados at actress Marian Rivera ay nalungkot sa pagkamatay ni Kryst, ngunit wala umano silang magagawa kundi ang ipagdasal ang katahimikan ng kanyang kaluluwan.

“You will be missed my love! You were the sweetest. Heaven has gained another angel! I love you [so much] Rest easy,” ani Ganados.

Nanalo si Kryst sa 2019 Miss USA pageant bilang representative ng North Carolina. — KNMartin