PAGKAMIT SA HERD IMMUNITY PANGUNAHING LAYUNIN NGAYONG PANDEMYA

JOE_S_TAKE

SA UNANG bahagi ng linggong ito ay naibigay na sa akin ang ikalawang dosis ng aking bakuna kontra COVID-19. Ito ay isang malaking kagaanan sa aking kalooban at ng aking pamilya. Nais kong bigyang pasasalamat ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Pasig para sa kanilang mahusay na serbisyo at sistema na sumisiguro na agad makakumpleto ng bakuna ang mga prayoridad na kasong gaya ko. Mas payapa na ang aking kalooban na malaman na ako ay protektado na laban sa COVID-19.

Ayon sa mga eksperto sa usaping pangkalusugan, ang pagpapabakuna ng isang indibidwal ay makatutulong sa mas mabilis na pagbabalik sa normal na takbo ng ating buhay. Subalit, ito ay hindi nangangahulugan na makakabalik na sa normal ang mga gaya kong nakakumpleto na ng bakuna dahil ang totoo ay kailangan pang mas mapabilis ang pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa, anuman ang tatak nito.

Napakahalaga lalo na para sa mga naninirahan sa NCR Plus ang makapagpabakuna upang makamit natin ang herd immunity. Ito ay lubhang mahalaga upang hindi na muling sumailalim sa lockdown ang nasabing lugar.

Ang pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) na mayroong mas mahigpit na mga panuntunan ay nagreresulta sa pagkaantala ng operasyon ng mga negosyo. Kapag ako ay napapadaan sa mga kainan at iba pang establisimiyento, maliit man o malaki, ay nakikita ko ang kagustuhan ng mga tao na muling makabalik sa normal na operasyon ang kanilang negosyo na pinagtatrabahuhan. Para mangyari ito, kailangan nating makamit ang herd immunity.

Ang aking pagkumpleto sa bakuna ay hindi nangangahulugan na hindi na ako maaaring magkaroong ng COVID-19, lalo na’t marami pa sa nakababatang populasyon sa NCR Plus ang hindi pa nakakakuha ng unang dosis ng bakuna. Hanggang hindi natin nakakamit ang herd immunity, walang kasiguraduhan na hindi magkakaroon ng COVID-19 ang mga indibidwal na kumpleto na sa bakuna. Ang pagkakaiba lamang ay, bilang resulta ng proteksiyong hatid nito, maaasahang hindi magiging matindi ang epekto nito sa kalusugan ng indibidwal na kumpleto sa bakuna kontra COVID-19.

Nakakabuhay ng kalooban na makita at masaksihan ang pagtutulungan ng pribado at pampublikong sektor. Maging ang mga relihiyosong grupo ay nakikipagtulungan na rin sa pagpapabilis ng pamamahagi ng bakuna sa bansa.

Kamakailan ay inialok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamahalaan ang opsiyong gamitin ang mga simbahan bilang vaccination site upang mas mapabilis ang ating pagkamit sa herd immunity.

Ayon sa pahayag ni CBCP spokesman Fr. Jerome Secillano, nakadepende na sa lokal na pamahalaan kung sila ay makikipag-ugnayan sa mga obispo at mga pari sa parokya kung paano maaaring gawing vaccination site ang mga simbahang Katoliko.

Maging ang mga post ng mga netizen sa Facebook, Twitter, at iba pang social media website ukol sa kanilang sariling pagpapabakuna ay malaking tulong din sa paghikayat sa iba upang magpabakuna. Sa ganitong simpleng paraan ay naipakikita  ng mga netizen ang kanilang pagsuporta sa ideya ng pagpapabakuna kontra COVID-19.

Upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan sa NCR Plus, ang mga lugar na kabilang dito ay mananatili sa ilalim ng GCQ. Ang rekomendasyon ng OCTA Research Group ay manatili sa ilalim ng GCQ ang NCR Plus hanggang Hunyo.

Bagaman patuloy na nakikitaan ng pagbaba ang bilang ng dumadagdag na kaso ng COVID-19 kada araw mula sa NCR Plus, hindi pa ito ang tamang panahon upang isailalim sa Modified GCQ ang naturang lugar, ayon kay OCTA Research fellow Guido David.

Dagdag pa ni David, ang kaso sa Metro Manila ay maituturing pa ring mataas na karaniwang bilang na nasa 400 na bagong kaso kada araw habang ito ay nasa ilalim ng GCQ noong Pebrero.

Ayon kay David, iniiwasan din nila ang sitwasyon kung saan maaaring maging kampante ang mga tao dahil sa pag-aakalang bumubuti na ang sitwasyon sa kabila ng patuloy na pagkakaroon ng bagong kaso kada araw. Ang kinakailangan sa ngayon ay ang pagpapabilis ng pamamahagi ng bakuna sa bansa.

Subalit sa kasalukuyan, ang prayoridad na mabigyan ng bakuna ay ang mga frontliner, essential worker, senior citizen, at mga indibidwal na mayroong comorbidity. Upang makamit ang herd immunity at mabigyan ng pagkakataon ang mga negosyo kasama ang mga paaralan, na bumalik sa normal nitong operasyon, kailangan ding mabigyan ng bakuna ang mga nakababatang mamamayan.

Ang magandang balita ay inanunsiyo ng Moderna na ang kanilang bakuna ay lubos na mabisa sa mga indibidwal na may edad 12 hanggang 17. Walang naiulat na kaso ng COVID-19 sa isinagawang trial na may 3,732 na batang mga volunteer na nakatanggap ng dalawang dosis ng bakuna mula rito kumpara sa apat na kaso sa control group na tinurukan ng placebo na iniksiyon.

Malapit nang isumite ng Moderna ang mga datos nito sa mga regulator sa buong mundo upang humingi ng pahintulot na magamit ang bakuna para sa mga kabataan. Ang Pfizer ay nauna nang naaprubahan para magamit sa mga kabataan sa US.

Bagaman bihira sa mga kabataan ang nakararanas ng malalang epekto mula sa pagkakasakit ng COVID-19, maaari silang makahawa sa iba. Umaasa ang mga eksperto na mapagtatagumpayan ang pandemyang ito kapag nabakunahan na ang mga kabataan.

Nagkaroon na ng matinding pagbaba sa bilang ng kaso ng COVID 19 sa US dahil higit sa 50% ng populasyon nito ay nakatanggap na ng bakuna. Ang bilang ng nadadagdag na bagong kaso kada araw sa nasabing bansa ay bumaba kamakailan sa antas ng higit 20,000 base sa tinatawag na 7-day average kumpara sa antas na higit 60,000 kada araw noong buwan ng Abril. Inaasahan ding lalo pang bababa ang bilang na ito habang patuloy ang kanilang pagsusumikap sa pamamahagi ng bakuna.

Bumubuti na ang sitwasyon ng ating bansa, at ng buong mundo. Subalit ito ay hindi nangangahulugan na maaari tayong maging kampante. Sa halip ay dapat lalo pang paigtingin ang pamamahagi ng bakuna sa bansa upang tuluyang bumuti ang ating sitwasyon. Ang bakuna ang pinakamabisang panlaban sa pandemyang COVID-19.

 

46 thoughts on “PAGKAMIT SA HERD IMMUNITY PANGUNAHING LAYUNIN NGAYONG PANDEMYA”

  1. 587657 6492821 can undertake all sorts of advised excursions with assorted limousine functions. Various offer fantastic courses and numerous can take clients for just about any ride your bike over the investment banking location, or even for a vacation to new york. ??????? 543612

  2. 655009 608952Oh my goodness! an superb article dude. Thanks a great deal Even so Im experiencing issue with ur rss . Do not know why Struggle to register for it. Can there be any person discovering identical rss issue? Anyone who knows kindly respond. Thnkx 563474

Comments are closed.