PAGKANSELA SA PILOT FACE-TO-FACE CLASSES SUPORTADO NI BONG GO

SEN BONG GO-2

SUPORTADO ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang desisyon ni Pang. Rodrigo Duterte na huwag munang ituloy ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa bansa sa Enero 2021.

Nauna rito, nitong Sabado, Disyembre 26, ay inatasan ni Duterte ang mga educational institutions na huwag munang magsagawa ng face-to-face classes sa susunod na buwan dahil sa nananatili pa rin ang banta ng pandemya, at ngayong may sumulpot na bagong strain ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ikinatuwa naman ni Go ang direktiba ng Pangulo dahil matagal na rin siyang nagpahayag ng kanyang reserbasyon laban sa pagdaraos ng pilot face-to-face classes sa bansa hangga’t wala pang aprubadong ligtas at epektibong bakuna laban sa virus.

Patuloy rin niyang hinihikayat ang mga awtoridad na irekonsidera ang naturang plano dahil sa panganib na posibleng idulot ng COVID-19 at ng bagong strains nito, sa kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante, mga guro at nakapaligid ditong komunidad, nang wala namang bakuna na magbibigay-proteksiyon sa kanila.

Tulad ng Pangulo, matibay rin ang paninindigan ni Go na ang dapat na gawing prayoridad ay ang kaligtasan ng mga estudyante at mga guro sa bansa.

“Same stand po ako diyan. Matagal ko nang sinasabi na habang wala pang vaccine ay ‘wag muna natin ipasubo ang mga bata. Dapat balikan at pag-aralan ng gobyerno ang polisiyang ito na bumalik sa face-to-face classes,” pahayag pa ni Go.

“Sa Mayo, matatapos naman na ang klase (school year). Ba’t ‘di na lang natin antayin? Alam naman natin na marami pang nangyayari. Nakakabahala kung bubuksan pa natin ang klase (na face-to-face),” aniya pa. “Unahin natin ang buhay at kaligtasan ng bawat Pilipino. A life lost is a life lost forever.”

Matatandaang una nang isinulong ng Department of Education (DepEd) ang limitadong physical classes sa mga low-risk areas upang matugunan ang mga educational challenges na kinakaharap ng mga estudyante mula sa disadvantaged families at rural areas.

Tinalakay naman ni Go ang isyu sa pangulo para irekonsidera ang naturang hakbang at ipagpaliban muna ang pilot implementation hanggang maging available na ang ligtas at epektibong bakuna at ang antas ng immunity sa bansa ay umabot na sa tinatawag na herd immunity. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.