PAGKASAYANG NG BAKUNA SA COVID-19 POSIBLENG DAHIL SA MALING PAMAMAHAGI

IGINIIT  ni Senador Francis Tolentino na ang pag-aaksaya ng bakuna laban sa COVID-19 sa bansa ay posibleng dahil sa mga pagkakamali sa pagbibigay-prayoridad sa mga tumatanggap ng bakuna laban sa COVID-19 at sa pamamahagi ng mga bakuna.

Sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Tolentino na maaaring may mali sa istratehiya para sa alokasyon ng bakuna, kung saan ang mga healthcare worker ay inuna bilang A1, senior citizens A2, at ang mga taong may comorbidities ay prayoridad bilang A3.

“Opo ‘yung mga A1, A2, A3 baka may mali doon sa prioritization at mali ‘yung distribution. Baka mayroon pong mga lugar na hindi dapat ganon karami o baka mayroon pong mga ibang lugar na hindi naman dapat kaagad nabagsakan kasi regional po yung mga hubs natin noon eh,” ayon kay Tolentino.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon noong Huwebes, kinumpirma ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na 50.74 milyong bakuna sa COVID-19 ang mawawalan ng bisa sa katapusan ng Marso.

Sinabi ni Tolentino na maaaring tumaas pa ang bilang ng mga nasayang na bakuna sa mga susunod na buwan, dahil sa pag-aalangan sa pagkuha ng bakuna.

“Pero nung earlier stages po ng COVID vaccine, napakataas nu’ng interes. Baka mali ‘yung proseso, baka mali ‘yung distribution, baka mali ‘yung information campaign,” ani Tolentino.
LIZA SORIANO