MISMONG si House Committee on Natural Resources Chairman at Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. ang naghain ng House Resolution No. 430, na humihiling na maimbestigahan ng Kamara ang sinasabing degradation o pagkasira sa Sierra Madre Mountain range.
Ayon kay Barzaga, bukod sa mabatid ang kadahilanan at kung sino-sino ang nasa likod nang pang-aabuso sa likas na yaman ng naturang kabundukan, dapat ding makapagsulong ng kaukulang batas para maprotektahan ito, na makatutulong upang mapigilan ang posibleng pagkakaroon ng mapinsalang pagbaha sa mga kalapit nitong lugar.
“There is an urgent need to determine whether human activity such as illegal logging, gold mining, limestone mining, construction aggregate quarrying, deforestation and dam construction are being conducted at the Sierra Madre Mountains,” saad pa ng Barzaga sa HR 430 nito.
Sinabi ng House panel chairman na dapat matukoy kung mayroong naisyuhan ng permit para magsagawa ng logging operations sa Sierra Madre Mountains at mabatid kung ano ang environmental impact nito para magawan ng nararapat na aksyon.
Ang Sierra Madre Mountains, na tinatawag na “backbone of Luzon,” ang pinakamahabang mountain range sa bansa, na may kabuuang 2.8 million hectares, na bumabagtas mula sa Cagayan province sa north at Quezon province naman sa south kung saan nasasakop nito ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Laguna at Quezon.
Pagbibigay-diin ni Barzaga, “Mother Mountain Range plays an important role by acting as a natural shield against typhoons and floods coming from the Pacific Ocean. Its watershed supports the water system of Central Luzon, Cagayan Valley and Metro Manila.”
Patunay rito ang naging pagbaba o paghina ng mga inaasahang malalakas na bagyo matapos dumaan sa Sierra Madre Mountains kabilang ang pinakahuling super typhoon Karding, typhoon “Ompong” noong 2018, at typhoons “Lawin” at “Karen.” ROMER R. BUTUYAN