PAGKATAO O MEDALYA

pick n roll

“CHARACTER is more important than medals you win.”

Galing ang pahayag na ‘yan mula kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez.

Napakapayak, ngunit napakalalim ng pakahulugan.

Sa marami, tiyak negatibo ang dating, dahil ano nga naman ang silbi ng atleta kung walang medalyang naibibigay sa sambayanan at sa Pilipinas. Hindi nga ba’t kaya gumagasta ang pamahalaan ng milyones ay para sanayin ang ating mga atleta at maihanda sa mga international competition?

Taon-taon, naglalaan ang Kongreso mula sa national budget ng milyones para matustusan ang pagsasanay, uniporme, kalusugan at allowances ng mga atleta. Yaong mga ‘elite athlete’ o mga atleta na umabot sa pinakamataas na antas tulad ng Olympics ay nabibigyan ng P40,000 buwanang allowances. Higit ito sa nakukuha ng mga simpleng manggagawa, gayundin ng mga miyembro ng kapulisan at militar na may mababa pang ranggo.

Espesyal, ika nga, ang atleta. May sariling medical at psychological team. At kung susuwertehin, may eksklusibong pagsasanay sa abroad sa pangangansiwa ng isang world-class foreign coach. Ito’y sa ngalan ng medalya at karangalan hindi lamang ng isang atleta bagkus ng sambayanan. Hindi naman kasi biro ang sakripisyo ng atleta.

Ngunit, kaakibat ng pagiging atleta ang isang responsibilidad, hindi lamang sa sarili kundi sa asosasyon na kinabibilangan, sa pamahalaan na gumagabay at sa sambayanan na kinakatawan.

Mahalaga ang medalya at napakaimportante ng tagumpay para sa madlang people, ngunit mas hihigit pa ba ang pagkadakila ng isang atleta na nahubog ang pagkatao sa katapatan at respeto?

Paslit pa lamang si EJ Obiena nang sanayin ng kanyang ama na si Emerson sa larong pole vault. Respetado sa mundo ng sports ang nakatatandang Obiena hindi lamang dahil sa pagiging kampeon kundi sa magandang asal na kanyang ipinakita at ibinahagi sa pamilya, kapwa atleta at opisyal na gumabay at tumaya sa kanyang kakayahan.

Tulad ng inaasahan, nahubog si Obiena at umabot sa pedestal na bihirang marating ng atletang Pinoy sa sport na athletics. Hindi man pinalad na magwagi ng medalya sa Tokyo Olympics, palasak ang pangalan ng 26-anyos sa impresibong kampanya sa European Tour. Sa kasalukuyan, nasa Top 5 sa World ang batang Obiena at No.1 sa Asya.

Wow. Wow na wow.

Ngunit, nakalalasing daw ang tagumpay? Sa mga nakarating doon, depende siguro. Marami namang pangalan na hindi nadungisan sa kabila ng tinamasang yaman bunga ng matagumpay na career sa sports.

Naging kuwestiyonable ang character ni Obiena dahil sa isyu na naresolba sana kung nagpakumbaba ang Olympian. May pagkakamali sa ‘liquidation report’ na nasilip ang pamunuan ng PATAFA. Ngunit, kung naging mahinahon lamang ang batang atleta at inuna ang pagbibigay respeto sa matatanda, hindi sana nagulo ang sitwasyon sa social media at hindi na nakisawsaw pa ang ibang opisyal at mga legal adviser kuno na pumapel sa usapin.

Wala na sa national team si Obiena. Desisyon iyan ng PATAFA. Naghahanda ang legal team ni Obiena para labanan sa korte ang PATAFA. Tatlong buwan mula ngayon, gaganapin ang SEA Games. At bago matapos ang taon, ang Asian Games. Liyamado si Obiena kung pagbabatayan ang marka. Ngunit, kung ang character ang susuriin, tila dehado ang pole vaulter.



(Para sa reaksiyon at suhestiyon, ipadala sa [email protected])