(Pagkatapos ni Tisoy) DDR BILL IPASA NA

MATAPOS  ang matin­ding pananalasa at pahirap sa libo-libong Filipino ng bagyong Tisoy, bukod sa mga namatay, sadyang kailangang ipasa na ng Kong­reso ang panukalang ‘Department of Disaster Resilience (DDR) bill.’

Sa isang TV  interview kamakailan, sinabi ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng ‘House Ways and Means Committee’ at pa­ngunahing may-akda ng DDR bill, na sobra na ang mga nalusaw na yaman at potensiyal ng Filipinas, at pahirap sa mga Pilipino,  “gawa ng lalong lumilimit at bumabangis na panahon, at kailangang lumikha agad ang gobyerno ng isang ahensiyang magpapatupad ng mabisang programang tutugon sa banta at pananalasa ng mga kalamidad.”

Binugbog ni Tisoy ang Timog Luzon at Hilagang Kabisayaan nitong nakaraang ilang araw. Pinakamalakas ito sa nakaraang maraming taon. Una nitong sinalasa ang Albay at Sorsogon, taglay ang hanging 175-230 bawat oras ang lakas.

Isa sa mga sinalanta ni Tisoy ang Legazpi City Domestic Airport sa distrito ni Salceda, kaya kaagad niyang hiniling sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Department of Transportation (DOT) na isaayos ito at maibalik ang paglapag ng eroplano roon sa loob ng isang linggo. Nangako naman diumano ng agarang aksiyon sina CAAP chief Jim Sydiongco at DOTr Sec. Arthur Tugade.

Huwaran ang “Zero Casualty” target ng Albay tuwina at ‘disaster resilience’ nito nang gobernador si Salceda ng lalawigan sa loob ng siyam na taon. Umani pa ito ng pagkilala sa United Nations. Sa kabila ng sungit at bangis ni Typhoon Glenda noong 2014, nagtala ang Albay ng ‘zero casualty’ na ginawang sigaw na rin ng pambansang pamahalaan.

Ang tagumpay at bisa ng ‘Disaster Risk Reduction (DDR) program’ ng Albay ang naging batayan ng panukalang DDR bill ni Salceda. “Ang ‘Zero Casualty’ ay hindi ‘statistics’ lamang.

Gagawing ganap na kagawaran ang DDR na pamumunuan ng isang Kalihim na mayroong mga ‘undersecreta­ries, assistant secretaries and directors.’ Tungkulin nito ang patuloy na pagbalangkas at pagsasagawa ng mga estratehiya at programa sa pagtugon sa mga kalamidad, kasama ang paghahanda, pag-iwas, pagpapahina, pagbibigay babala, pagsaklolo at pag-ayuda sa oras ng kalamidad, at pagbangon pagkalampas nito, katulong ang buong gob­yerno at lipunan.

Sa panukalang aprubado na ng House Government Trorganization Committee,  magkakaroon ng ‘joint operational  supervision’ sa apat na ahensiyang mahalaga ang papel sa ‘disaster risk reduction’ — Pagasa, Phivolcs, the Mines and Geo-sciences Bureau at Bureau of Fire Protection – ang DDR, DOST, DENR at DILG sa halip na ipailalim ito lahat sa DDR.

Naipasa na ng Kamara ang DDR bill noong 17th Congress ngunit ginahol sa oras ang Senado na maipasa ito dahil sa 2018 pambansang halalan, kaya muling inihain ito ni Salceda sa Kamara.

Comments are closed.