TAON-TAON, kada Hunyo 25, ipinagdiri- wang sa buong mun- do ang Day of the Seafarer o Araw ng mga Mandaragat.
Unang ipinagdiwang ito globally noong 2011 para big- yang-diin ang kanilang kahalagahan at kilalanin ang kanilang napakalaking tulong sa pandaigdigang kalakalan at sa ekonomiya ng mga bansa.
Tayo po ay mayroong panukalang batas na naglalayong magpatupad ng isang Magna Carta of Seafarers. Mahigit 10 taon na po nating patuloy na isinusulong ito mula pa noong Hulyo 2007. Ikalawang termino po natin noon bilang congressman ng Aurora Province. At nang tayo naman ay palaring makapagsilbi bilang senador noong 2013, muli nating inihain ang panukalang ito.
Hindi po natin itinitigil ang pagsusulong sa panukalang ito dahil alam natin kung gaano ito kahalaga sa ating Filipino seafarers. Sa kasalukuyan, halos 2 milyon ang kabuuang bilang ng mga mandaragat sa buong mundo at 490,000 dito ay pawang Pilipino.
Napakalaki ng kanilang ginagampanang papel sa oper- asyon ng mga pinagsisilbihan nilang barko. Kung wala ang seafarers, tiyak na hindi magiging tagumpay ang galaw ng kalakalan gamit ang karagatan.
Nakalulungkot na sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, matapos ang tigil-operasyon ng kani-kanilang employers, mahigit 100,000 Pinoy seafarers ang nawalan ng trabaho. Marami sa kanila, kundi nahimpil nang napakatagal sa pinapasukang barko sa ibayong dagat, ay ilang buwan namang namalagi sa mga quarantine sites bago tuluyang pinabalik sa bansa.
Bagaman bumaba umano ang bilang ng mga Filipino seafarer, nananatili pa ring malaking porsiyento sa kabuuang dami ng pandaigdigang seafarers ay mga Pinoy.
Sa ating mga isinagawang pag-aaral at pananaliksik, nabatid na bukod sa mga pinagdaanang sakrispisyo, tulad ng mapalayo sa mga mahal sa buhay, madalas ay nakararanas din sila ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa loob ng barko, partikular sa kanilang labor rights. Hindi nila inaalintana ang mga paghihirap na ito na madalas ay inililihim pa nila sa kanilang mga kaanak, upang kumita lamang nang maayos.
Sa totoo lang, napakalaki ng kontribusyon ng kanilang remittances sa paggalaw ng ating ekonomiya, kaya nakadidismaya na hindi na nabibigyang pansin ang kanilang mga hinaing.
Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nakapag-remit ng $6.7B o katumbas ng P37.6B ang Pinoy seafarers nitong nakaraang taon (2022). Ang ibig sabihin, tumaas ang kanilang remittances mula $6.3B noong 2020 at $6.5B noong 2021. Napakalaking tulong sa kabuhayan ng Pilipinas, kaya ganito na lang po ang pagsisikap nating maisulong ang ating panukala. Ito lang ang maaari nating isukli sa nagagawa nilang pagpapalakas sa ating ekonomiya.
At nitong nakaraang linggo, sa pagsasara ng first regular session ng 19th Congress, tumayong sponsor ng committee report on Senate Bill 2221 si Senador Raffy Tulfo na chairman ng Senate Committee on Migrant Workers.
Ang SB 2221 po ang pinakabagong bersyon ng ating Magna Carta of Seafarers at ang pinagsama-samang 12 panukalang batas na may kaugnayan dito. Kabilang po riyan ang ating SBN 640.
Kaya naman, nagpapasalamat po ang inyong lingkod kay Senator Tulfo sa pag-uulat ng panukalang ito sa plenaryo upang sa pagbubukas ng susunod na sesyon ay matalakay na ang panukala at tuluyan nang maisabatas.
Malinaw po ang nilalayon ng ating Magna Carta of Seafarers: kabilang sa mga mahahalagang probisyon ang pagtiyak sa kaligtasan at kapakanan ng Filipino seafarers sa kanilang kinaroroonan; pagsiguro sa kaligtasan at kaayusan ng kanilang workplace upang maging maayos din ang takbo ng kanilang trabaho; pagtiyak sa kanilang right to repatriation; mahigpit na pagpapatupad ng anti-harassment at anti-bullying policies kabilang ang isang on-board at onshore grievance mechanism; pagsuporta sa kanilang propesyon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng karapatang makapag-aral at makapag-training sa abot-kayang halaga.
Naniniwala tayo na sa kasalukuyang administrasyon ay tuluyan nang maisasabatas ang panukalang ito. Maging si Pangulong Bongbong Marcos, sa kanyang pagdalo sa Philippine Maritime Industry Summit 2023, ay nagsabing malaki ang kanyang paniwala na napapanahon na para muli ay gawing isa sa top priorities ng gobyerno ang maritime industry.
Napakatagal nang nabimbin ang panukalang ito – hininog na ng panahon kaya dapat ay maipasa na para naman sa kapakanan ng ating mga marino.