KAPAG sinabing talents, artists, panigurado, marami tayo niyan dito sa Pinas. Marami nang natuklasang talento at sigurado, marami pa sa mga kababayan natin ang ‘di pa nadidiskubre. ‘Pag sinabi kasing Pinoy, parang punum-puno talaga ng talento na ang kailangan lang ay paghulma.
Hindi na tayo lalayo — sino ba naman ang hindi magiging proud para sa ating magagaling na artista tulad ni John Arcilla na tumanggap ng parangal sa ika-78 Venice Film Festival? Ni Michael Garcia Villagante na tumanggap ng Lorenzo il Magnifico Award sa Biennale Internazionale Dell’Arte Contemporanea o mas kilala bilang Florence Biennale art fair; ni director Diane Paragas na nagwagi ng Reel Asian Best Feature Film Award noong 2019 sa Toronto International Film Festival sa kanyang obrang Yellow Rose; ni Zig Dulay na pinarangalan ng Golden Cyclo sa 2018 Vesoul International Film Festival of Asian Cinema sa France; ng singer/vocalists na sina Marlon Macabaya at Denise Melanie Du Lagrosa na kapwa nagkamit ng first at second place sa Starts of Albion Grand Prix 2019 sa London at ng artist na si Worth Lodriga na sa edad na pito noong 2017 ay nagwagi ng first place sa Student Mars Art Contest sa Estados Unidos.
Kung hindi natin tatawaging ekselente ang mga kababayan nating ‘yan, ano pa ba ang maitatawag dahil sa kanilang angking galing?
Ilan lang ang mga nabanggit nating Filipino artists sa mga talento nating tumanggap na ng international awards at umaasa tayo na sa mga darating na panahon, madaragdagan pa ang kanilang bilang. Iba ang Pinoy, tandaan natin ‘yan. Ika nga ng mga kakontemporaryo natin noong dekada 80, simple lang pero rock.
Kaya malaki ang paniwala natin na kung bibigyan lang ng kaukulang suporta at paghihikayat ang iba pang Filipino artists, marami pa sa kanila ang tatanggap ng karangalang pangdaigdigan at tiyak na magbibigay ng higit pang parangal sa bansang Pilipinas.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit mariin nating isinusulong ngayon sa Senado ang Senate Bill 2466 o ang Artists Incentives Act of 2021. Ano po ba itong proposisyon nating ito?
Nilalayon po natin sa ating panukalang batas na pagkalooban ng cash incentives ang ating Filipino filmmakers, film production entities, literary wirters, artists at performers sa creative sector na nagwagi ng pinakamataas na international awards o kaya naman ay pinarangalan sa international competitions.
Base po sa ating panukala, ang ating mga kababayang makapag-uuwi sa bansa ng pinakamataas na parangal mula sa international competitions, film festivals or exhibitions at kinikilala ng Natonal Commission for Culture and the Arts, Film Development Council of the Philippines at ng Cultural Center of the Philippines, ay pagkakalooban ng cash grant na nagkakahalaga ng P1 milyon.
Halagang P500,000 naman para sa mga kababayan nating tatanggap ng special recognition o mga parangal na mas mababa sa highest award na iginagawad sa mga international competiton at exhibition.
Sa totoo lang, napakarami nating magagaling na talents dito sa bansa. At marami rin sa kanila ang hindi pa nahuhulma at di pa sumusuong sa mas malaking bahagi ng kanilnag industriya. At sa pamamagitan ng panukala nating ito na nagbibigay ng cash incentives sa ating artists, tiyak na marami sa kanila ang mahihikayat na mas hasain ang kanilang galing upang maabot ang kanilang pinapangarap na estado sa kanilang napiling industriya. Magiging sandigan nila ito upang sa mga darating na panahon ay maranasan din nilang makatanggap ng parangal at pagkilala sa ibayong dagat.
Marami tayong maitutulong sa Filipino artists tulad ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataong mas mapahusay ang kanilang talento. Maging ang ating gobyerno, maaaring makipagtulungan sa pribadong sektor para makapagpatayo ng mga dagdag na concert venues, dance studios, galleries at art houses kung saan mailalagak ng ating creative workers ang kanilang mga obra.
At habang patuloy tayong bumabangon mula sa bagsik ng pandemya, umaasa tayo na darami pa sa ating mga talentadong kababayan ang makikilala sa kani-kanilang kinabibilangang larangan sa mga pandaigdigang kompetisyon.