ni Riza R. Zuniga
SA kauna-unahang pagkakataon, naging tampok ang husay ng isang visual artist sa isang napakalaking billboard sa Robinsons Galleria.
Ito ay isang pagkilala ng ARTablado sa husay ni Allanrey “Migz” Salazar sa larangan ng sining. Ang solo exhibit ni Salazar na may pamagat na “To the Moon ang Back” ay pagpapatunay kung gaano niya kamahal ang sining biswal.
Ang exhibit ay mula ika-1 hanggang ika-15 ng Hunyo sa ARTablado, Level 3 ng Robinsons Galleria.
Sa pagbubukas ng exhibit, naging panauhin niya sina Faraday Go, Vice President ng Robinsons Land Corporation; Rafael Cusi, Tam Austria, Victor Puruganan at mga mag-aaral mula sa UP at Quezon City University, kinatawan ng Quezon City Government, Dir. Roseann Villegas at Lorie Grace Marquez.
Sa naturang exhibit, ipinadama ni Salazar ang pagmamahal sa bayan, ang mga hamon sa buhay, paniniwala, kagandahan at katatagan, at pagbabalik-tanaw sa mga bagay na magpapaalala sa pagkabata, kung saan ang tsinelas ang sumisimbolo rito. Ilang gawad parangal na ang nakamit ni Salazar sa serye niya ng tsinelas.
Ang bawat tsinelas sy may kwento katulad din ng iba pa niyang iginuhit at ipininta. Sa kasalukuyan, 25 mga bago niyang obra maestra ang tampok sa exhibit.