NOONG sinaunang panahon, hindi nabibigyan ng pansin ang mga kababaihan. Hindi sila nabibigyan ng pagkakataong maipamalas ang kanilang kahusayan at kagalingan. Mula sa araw ng kapanganakan, tila nakatakda na ang magiging takbo ng kanilang buhay – mag-aasawa, bubuo ng pamilya, mangangasiwa sa bahay at mag-aalaga ng mga anak. Sa katunayan, sa laki ng pinagkaiba ng panahon ngayon sa panahon noon, tila napakahirap isipin na nagdaan tayo sa yugto na walang karapatan ang mga kababaihan.
Sa kasalukuyang panahon, bukod sa pagkakaroon ng karapatan at pagkakataong makagawa ng sariling plano para sa kani-kanilang buhay, tila pursigido ang mga kababaihang mapatunayang hindi lamang sila sa mga gawain o sa mga bagay na pambabae mahusay. Pinatutunayan nilang kaya rin nilang gawin ang mga bagay na dati’y mga kalalakihan lamang ang gumagawa.
Napakagandang halimbawa rito ang mga sports personalities na sina Hidilyn Diaz na nakasungkit ng ginto sa weightlifting at si Nesthy Petecio na nag-uwi ng silver na medalya sa larangan ng boksing noong nakaraang Olympics na idinaos sa Tokyo. Ang dalawang kababaihang ito ay nagpamalas ng pambihirang kagalingan sa larangan na karaniwang panlalaki lamang.
Ang makasaysayang tagumpay ng mga kababaihan para sa Pilipinas ay patunay lamang kung ano ang maaaaring makamit ng mga ito kung bibigyan, hindi lamang ng pagkakataon, kundi ng nararapat na suporta upang lubusang mapalabas ang potensiyal sa anumang larangang kanilang pipiliin.
Ang Meralco ay nakikiisa sa kampanyang ito ukol sa pagbibigay ng pantay na pagkakataon sa mga kababaihan. Sa Pilipinas, ang industriya ng kuryente ay isa sa mga industriya kung saan mas marami ang empleyadong lalaki. Sa katunayan, sa loob ng higit isang siglo, ang mga gawaing gaya ng pag-akyat sa poste, pag-ayos ng mga linya, at pagmamaneho ng mga trak ng Meralco ay sa mga kalalakihan lamang pinagagawa. Subalit bunsod sa pagbabago ng panahon, nagbago rin ang nakagawian ng kompanya.
Binuksan ng Meralco ang pinto nito para sa mga kababaihang nais magtrabaho bilang line crew. Kaugnay nito, isa ang Meralco sa mga distribyutor ng koryente sa Timog Silangang Asya na unang nagbukas ng komprehensibong teknikal na pagsasanay para sa mga kababaihan.
Noong Abril, muling inilunsad ng kompanya ang Meralco Linecrew Training Program (MLTP) kung saan 13 mga kababaihang inaasam na maging bahagi ng kompanya bilang line crew ang nakatapos sa anim na buwang pagsasanay na ito. Sa ilalim ng naturang programa, talaga namang sumabak sa matinding pisikal na pagsasanay ang mga line crew trainee.
Walang pagkakaiba ang pagsasanay na pinagdadaanan ng mga babae sa pinagdadaanan ng mga lalaki dahil pagdating sa aktwal na trabaho, pare-pareho ito ng gagawin kaya napakahalagang mayroon ding sapat na lakas ng pangangatawan ang mga kababaihan upang magampanan ng maayos ang kanilang magiging trabaho kapag sila’y ganap nang mga line crew. Kailangan nilang maghanda at magsanay na magtrabaho sa loob ng mahabang oras sa ilalim ng anumang panahon dahil tuloy-tuloy ang trabaho ng mga Meralco line crew, umulan man o umaraw, bumaha man o bumagyo.
Isa sa mga babaeng trainee sa ilalim ng MLTP si Zuzette Castro, isang dating overseas Filipino worker na nagdesisyong manatili sa Pilipinas noong pandemya upang maalagaan ang anak. Nang tanungin ukol sa takot sa panganib na kaakibat ng trabaho, binigyang-diin ni Castro ang matinding training na kanilang pinagdaanan ukol sa safety kaya hindi, aniya, ito natitinag ng takot. Aniya, basta sundin lamang ang mga itinurong pamamaraan ng Meralco, tiyak na magiging ligtas ang mga line crew habang nagtatrabaho.
Si Castro ay isa ring ina na nag-aasam na makapagbigay ng magandang kinabukasan sa kanyang anak. Ito ang isa sa mga pangunahing bagay na nagtulak kay Castro para kayaning matapos ang pagsasanay sa ilalim ng MLTP. Matindi rin ang pasasalamat niya sa kompanya sa pagbibigay ng pagkakataong makapaghatid ng liwanag sa 7.6 milyong mga customer ng Meralco.
Ang MLTP ay bahagi ng Diversity and Inclusion Program ng Meralco na tinawag nitong #Mbrace. Layunin ng programang pataasin ang bilang ng mga kababaihan sa kompanya sa 40% sa pagtatapos ng dekadang ito. Ang #Mbrace ay binuo alinsunod sa United Nations’ Sustainable Development Goal (UN SDG) 5 o Gender Equality at UN SDG 10 o Reduced Inequalities.
Bukod sa pagbubukas ng pinto sa mga kababaihang nais maging line crew, nakipag-sanib pwersa rin ang Meralco sa Don Bosco College-Canlubang para sa isang technician scholarship program kung saan 15 kababaihan ang mabibigyan ng pagkakataong makapag-aral at kinalaunan ay maging bahagi ng kompanya. Inilunsad ang programang ito noong Agosto.
Ang mga inisyatibang ito ay ilan lamang sa mga makapagpapatunay kung gaano kaseryoso ang Meralco sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga kababaihan at sa pagtitiwala sa kagalingan, katalinuhan, at kahusayang taglay ng mga ito. Sa aking personal na opinyon, napakaganda ng nangyaring pagbabago sa panahon kung saan nabigyan ang mga kababaihan ng pagkakataong ipamalas ang kanilang galing at makapagdala ng karangalan sa ating lahat. Tunay na kaya ng mga babae ang mga bagay na ginagawa ng mga lalaki, minsan nga’y mas mahusay pa ang mga ito – isang bagay na dapat ipagmalaki at bigyang pagkilala.