MAINAM na pagtuunan ng pansin at panahon ang pagbabasa ng aklat sa panahong ito na halos kabi-kabila ang usapin tungkol sa pulitika, eleksiyon, kampanya. Bigyang pansin natin ang sarili, ang pagpapayaman sa kaalaman, at katahimikan. Ano pa nga ba ang mas mainam pang gawin kundi ang maupo nang tahimik at magbasa?
Buhay na buhay ang larangan ng panitikan sa bansa dahil sa rami ng mga naglalabasang bagong aklat at mga batang manunulat at nobelista. Sa kolum na ito ay nais kong banggitin ang tatlong pangalan, ngunit ilan lamang sila sa maraming magagaling na Pilipinong awtor na lumilikha ng mga akda sa kasalukuyang panahon.
Isa na rito si Beverly Siy. Mas kilala sa pangalan na Bebang, siya ang may akda ng It’s a Mens World (Anvil Publishing) na lumabas noong 2011. Ngayong Pebrero 2022, ilalabas ng Balangay Books ang English translation ng naturang aklat na salin ni Ken Ishikawa. Magkakaroon din ng mga pahinang may paintings ni Bebang mismo. Maaaring mag-email sa [email protected] kung nais bumili ng salin ni Ishikawa.
Inilathala naman ng De La Salle University Publishing House ang nobela ni Mesandel “Ayer” Virtusio Arguelles na Asinkrono (2021). Maaaring makabili ng kopya mula mismo sa De La Salle University Publishing House o sa Solidaridad Bookshop sa Pade Faura, Manila.
Si Rom Factolerin ay maglulunsad ng kanyang unang nobela sa ika-20 ng Pebrero sa https://www.facebook.com/fwgp.org sa ganap na alas-dos ng hapon. Ang “Andrea” ay itinuturing na Philippine Noir, at tumatalakay ito sa krimen, droga, karahasan. Maaaring makabili ng kopya sa Shopee (i-search lang ang ‘Andrea Rom Factolerin’). Panauhin si Ms. Andrea del Rosario sa paglulunsad ng aklat sa Linggo. Siya ay magbabasa ng isang kabanata mula sa aklat. Ang online launch ay inorganisa ng Freelance Writers’ Guild of the Philippines (FWGP), ka-alyado ng Uni-PLC.