ISA sa mga hindi pumapalo sa survey para sa pagkapangulo ay nagbigay ng kanyang pananaw at pagkilatis sa mga kapwa niya kandidato. Si presidential candidate Ernesto Abella, sa pinakahuling survey na isinagawa ng Pulse Asia, ay nakakuha lamang ng .05%. Samantalang si BBM ay nakakuha ng 60%.
Bagamat alam nating lahat na walang pag-asang manalo ang iba sa mga kasalukuyang tumatakbo sa halalan na ito, sila naman ay walang kaduda-duda na kwalipikado na maging pangulo ng ating bansa.
Ang tanong lamang ay kung napipisil sila ng karamihan ng ating mga kababayan.
Si Ernesto Abella ay nakilala nang husto sa publiko bilang unang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa unang bahagi ng kanyang administrasyon. Si Abella ay isang ebanghelista o evangelist.
Alagad ng Diyos.
Nag-aral sa Ateneo de Davao University at kumuha ng postgraduate studies sa Siliman University na may masters degree in divinity. Kumuha rin siya ng masters degree sa Asian Institute of Management sa social development. Aktibo siyang tumulong sa kampanya ni Duterte noong 2016 kaya naman nabiyayaan siya bilang tagapagsalita ng ating pangulo.
Hindi nagtagal si Abella sa kanyang puwesto. Marami ang nagsasabi na ang marahil na dahilan kaya hindi nagtagal bilang tagapagsalita ay hindi siya kasing tapang ng kanyang amo sa pagpapaliwanag at pagharap sa media. Malumanay at mabait magsalita si Abella. Kaya naman pinalitan siya ni Atty. Harry Roque na kilala bilang matalas sa pananalita kapag binabatikos si Duterte. Si Roque ngayon ay tumatakbo sa pagkasenador.
Si Abella ay inilipat sa Department of Foreign Affairs bilang Undersecretary for Strategic Communications and Research. Hindi ako tiyak kung itong posisyon ay ginawa lamang para kay Abella.
Subalit wala na tayong narinig sa kanya hanggang sa pagbibitiw niya sa puwesto upang tumakbo sa pagkapangulo.
Mukhang tapat naman ang kanyang pananaw at pagkilatis sa mga nangunguna sa survey sa pagkapangulo. Si Ka Leody de Guzman na nakakuha ng .02% sa survey, para kay Abella magaling sa pananalita tungkol sa adhikain ng sosyalismo. Samantalang si Sen. Panfilo Lacson na may 4% sa survey ayon kay Abella ay tinatawag niyang isang ‘disenteng senador’.
Para naman kay Sen. Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno na parehas na nakakuha ng 8% sa Pulse Asia survey, para kay Abella tingin niya kay Moreno ay magaling sa ‘projection’ o magaling magpakita ng magandang imahe sa publiko dahil isa siyang aktor.
Kay Pacquiao naman na katulad niyang alagad ng Diyos, nakikita ni Abella na ginagawa ito ni Pacquiao dahil parang ito raw ay tawag ng Panginoon na siya ay maging pangulo ng ating bansa. Parang ito ay isang tadhana ng ating Pambansang Kamao upang maglingkod bilang presidente ng Pilipinas. Umaasa raw si Pacquiao sa dagdag tulong pinansiyal sa mga bilyonaryo niyang mga kaibigan na nakilala niya noong siya pa ay aktibo sa boksing maliban sa pagmumudmod niya ng kanyang sariling pera.
Nirerespeto raw din ni Abella si Pacquiao dahil ang pagtakbo niya sa pagkapangulo ay isang pagbabalik sukli niya sa mga hirap sa buhay na tulad niya dati. Maganda ang buhay ni Pacquiao ngayon at isa siya sa mga bilyonaryong atleta sa buong mundo.
Para naman kay VP Leni, na nakakuha ng 16% sa survey, nakatrabaho ni Abella sa gabinete noong siya ay ang tagapagsalita ni Pangulong Duterte. Wala masyado siyang masabi kay Leni kundi ‘very pleasant’ daw ito. Marahil ay hindi rin masyado nabigyan ng pagkakataon si VP Leni noong siya ay isinama sa mga cabinet meetings noon.
Para naman kay BBM, ayon kay Abella malaking puhunan daw niya na siya ay anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. “We haven’t worked together but, of course, ano siya, faithful siya sa legacy ng tatay niya. Actually, doon siya nakasalalay, basically, the merits of the father,” ayon kay Abella.
Hindi natin alam kung positibo o negatibo ang mga komento ni Abella para sa mga kapwa niya kandidato. Batay sa kanyang pananaw sa mga nangunguna sa survey, ang taumbayan pa rin ang maghuhusga nito sa araw ng halalan.