PAGKILING KAY LENI SOBRA NA

BONGBONG-LENI

DAHIL masyadong ob­yus na umano ang ginagawang pagkiling ni Presidential Electoral Tribunal recount justice-in-charge Benjamin Caguioa sa ini­reklamong pandaraya  noong nakaraang 2016 elections na si Leni Robredo ay nararapat lamang na kumalas na siya sa isinasagawa ng tribunal na manual revision.

Pahayag ito kanina  ng kampo ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na nagsalansan ng limang isyu kung saan nila sinasabing nasilip ang umano’y garapalang pagpapakita ni Caguioa ng pagkampi  kay Robredo sa kasaluku­yang nagaganap na mano-manong bilangan sa PET.

“Napuno na ang salop at dapat nang kalusin ang sobrang pagkiling ng ponente sa protesta na si Caguioa kaya nagdesisyon na ang aming kampo na mag-file ng urgent motion for inhibition upang ma­ging patas at maprotektahan na rin ang integridad ng isinasagawang PET recount,” pahayag ng isang abogado sa kampo ng da­ting senador.

Ayon sa kanya, tulu­yang nalagot ang pagtitimpi ni Marcos sa nararamdaman at nakikitang hindi parehas na trato sa kaso na mahigit nang dalawang taon na nakabimbin  sa tribunal nang matuklasan ng kanilang kampo ang palihim na pag-imbestiga sa kontrobersiya ng mga head revisor at kawani ng PET, at ng lead revisor ni Robredo na nag-outing sa isang resort sa Pansol, Laguna.

Hiniling ni Marcos kamakailan na imbestigahan ang iregularidad sa naturang sama-samang pagtampisaw sa swimming pool ng mga nagbibilang sa manual recount, pero ibinasura ito ni Caguioa dahil tapos na umano itong nabusisi at may mga kasali sa outing na naparusahan  na.

Ang pahayag ni Caguioa sa kanyang pagbasura sa hangad ni Marcos na ‘outing probe’, na nakasaad din sa sagot ni Robredo sa kanyang counter-manifestation na tapos na nga ang imbestigasyon ay lubos na ikinamangha ng dating senador dahil wala umano itong kaalam-alam na may mga nangyayari sa kaso na tanging sina Caguioa at Robredo lamang ang nakaaalam.

“Malinaw ang umiiral na sabwatan ng dalawa na tiyak na ikasisira ng katapatan ng PET recount kung mananatili si Caguioa bilang justice-in-charge sa Marcos poll protest,” paliwanag ng kampo ni Marcos.

Kanyang binanggit ang “viber  message ng asawa ni Caguioa na si Pier Angela, bilang isa pang isyu na nagsilbi umanong panggatong sa noon ay suspetsa pa lamang ng kanilang kampo na tunay ngang hindi patas  ang pagtrato ng case ponente sa magkatunggaling  kampo.

Sa kanyang mensahe sa viber para sa kanyang mga kaklase noong high school ay nag-post si Mrs. Caguioa ng ganito, “If Bongbong Marcos wins, and if he wins because of the youth, it will be the failure of our generation. We were the main catalyst of Edsa 1 and yet we failed to impart its lessons upon the genreration that followed us.”

Ayon pa sa kampo ng dating senador, lalong lumakas ang desisyon na hainan na ng ‘motion to inhibit’ si Caguioa matapos ilantad ng clean-election activist na si Glen Chong ang talamak na dayaan noong nakalipas na 2016 elections tulad ng pag-transmit ng resulta ng halalan isang araw bago pa ito maganap.

“Maliban sa mga ibinunyag ni Chong sa kanyang pagsiwalat noong isang linggo sa Senado ay marami pang natuklasang pandaraya sa PET revision floor sa apat na buwan nitong mano-manong pagbusisi sa mga balita na tila pinipikitan lang ng justice-in-charge,” dagdag nitong pahayag.

Lalo pa umanong nabuo ang pasyang pagpapabitiw kay Caguioa sa PET recount sa tuwing maiisip ng kampo ni Marcos kung bakit walang ginagawang husga ang justice-in-charge sa patuloy na pagtanggi ni Robredo na bayaran ang kanyang balanse sa cash bond na umaabot sa mil­yon-milyong piso, samantalang ginipit ni Caguioa noon ang dating senador sa pagbayad ng paunang P63 milyon, dalawang araw lang ang ibinigay niyang  palugit na nakadikit pa sa official holiday.

“Isa nang pang-iinsulto kay Caguioa kung amin pang ipaaalala sa kanya ang patakaran ng PET na kaagad idi-dismiss ang protesta kung hindi makapagbayad  sa oras ang sino mang nagprotesta,” pagtatapos ng kampo ni Marcos na nagsabi pang nagbayad na noon pa ang dating senador dahil sa pag-galang sa nasabing patakaran, samantalang hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na tumatangging magbayad si Robredo, pero walang aksiyon si Caguioa sa naturang bagay.    PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.