MAAARI nang makakuha ng driver’s license sa probinsiya ng Batanes, ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Sa isang official statement ng LTO, hindi na kailangang maglakbay sa karatig-probinsya ang mga kababayang nakatira sa nasabing probinsiya dahil maari nang makakuha ng student permit, non-professional at professional driver’s license sa bagong tatag na LTO Basco District Office sa DPWH Compound, Brgy. Kayvaluganan, Basco sa Kapuluang-probinsya ng Batanes.
Nagsimula nang mag-isyu ng mga lisensiya ang nasabing District Office nitong Huwebes lamang at nasa 17 lisensiya na ang naisyu nito.
Naging saksi si Batanes Provincial Governor Marilou Cayco sa paglulunsad ng nasabing serbisyo.
Nakapag-isyu na rin ng automated Certificate of Registration (CR) at Official Receipt (OR) kahapon.
Siniguro naman ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante na ang lahat ng serbisyo ng ahensiya ay maibibigay ng nasabing District Office, katulad ng pangangailangan ng lisensiya sa pagmamaneho, pag-rehistro ng mga sasakyan, at pagpapatupad ng mga batas at regulasyong pantrapiko.
Pangako ng LTO, patuloy nitong ilalapit ang serbisyo sa mga mamamayan, at paiigtingin pa ang paglilingkod upang tiyakin ang kaligtasan sa mga lansangan. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.