AABOT sa halos P30 bilyon ang pondong kakailanganin upang matustusan ang kabuuang implementasyon ng National ID System.
Ito ang nabatid kay Dr. Lisa Grace Bersales, director general ng Philippine Statistics Authority (PSA) bagamat hindi sapilitan ang pagkuha ng “Phil ID” ay maoobliga pa rin ang bawat mamamayan na sumunod sa mandato ng Philippine System Act (PhilSys) o National ID Law.
Ayon kay Bersales, ang sinumang mabibigo na kumuha ng Phil ID ay tiyak na mahihirapan sa transaksiyon sa gobyerno at iba pang business transaction maging pribado man ito.
“Hindi explicit sa law na mandatory ito. No one will be forced to enroll in the National ID System,” wika ni Bersales.
Tiniyak din ni Bersales na walang dapat ipangamba ang publiko dahil titiyakin nilang protektado ang national ID holders.
“I believe that everyone will be compelled to be part of the PhilSys. Number one, because they will be assured that we will follow what the law says,” giit pa ni Bersales.
Samantala, sinabi pa ni Bersales na uunahin na bigyan ng National ID ay ang mga tulad ng senior citizen, person with disabilities (PWDs) at beneficiaries ng conditional cash transfer at unconditional cash transfer.
Ayon pa kay Bersales, target nilang makompleto ang PhilSys sa loob ng 4 hanggang 5 taon kung saan ay inaasahan nilang 25 milyong Filipino ang kanilang ma-e-enroll kada taon na sisimulan sa last quarter ng taong ito na may inisyal na P2 bilyong pondo na nakapaloob sa 2018 national budget.
Binabalangkas na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) na magiging batayan para sa pagpapatupad ng National ID.
Nilinaw pa ni Bersales na simple lamang ang magiging requirements para sa National ID kabilang na ang pagsusumite ng birth certificate at pagsagot sa mga basic na katanungang personal.
Kukuhanan din ng biometrics ang bawat indibiduwal tulad ng facial imagery, iris ng mata at sampung finger capture. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.