PAGKUPKOP SA AFGHAN REFUGEES PAG-AARALAN

HINDI pa selyado at pinag-aaralan pa ng Pilipinas ang panukala ng Estados Unidos na gawing transit area ang bansa para sa mga Afghan national na pinatira sa US at iba pang lugar, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Nilinaw ng Pangulo na ang magkabilang panig ay hindi umabot sa isang kasunduan tungkol sa mga Afghan refugee.

Ang pahayag ay tugon ni Pangulong Marcos sa isang panayam sa sidelines ng launching ng Kanegosyo Center kung tatanggapin niya ang kahilingan ng US na payagan ang mga mamamayang Afghan sa bansa.

“That is the proposal of the United States. We continue to study it. Let’s see if there’s a way we can do it without endangering security of the Philippines,” ani Pangulong Marcos.

“Tingnan natin kung talagang mapapamahalaan natin ito at siguraduhin na kung magsisimula ang mga bagay na hindi tulad ng plano, ano ‘yung mga puwede nating gawin,” dagdag pa ng Pangulo.

Alam din aniya ng Punong Ehekutibo ang maraming isyu na kasangkot tulad ng seguridad, legal at logistic.

Bagama’t matagal nang tradisyon ng Pilipinas ang pagkuha ng mga refugee tulad ng ginawa nito noong World War II, sinabi ni Marcos na iba ang kaso ng mga Afghan national na sangkot dito.

“Ito kasi ang mga Afghan na tumulong sa mga Amerikano noong giyera. Tapos biglang umalis ang mga Amerikano, naiwan ito. Ang katotohanan, pinapatay na nila sila, ng kalaban. Kaya’t ‘yun, inaalalayan nila ‘yung mga ano. Pero hindi na sila refugee. It is something different. It is not something that we’ve encountered before.” sabi ng Pangulo.

Sakaling pagbigyan ang nais na maging transit area ang Pilipinas ay hindi lalampas sa 1,000 indibidwal.

Magugunitang ilang mga grupo at mambabatas ay nagpahayag ng pagkabahala sa panukala, na sinasabi na ang mga Afghan national ay maaaring maging banta sa national security ng bansa.
EVELYN QUIROZ