(Pagkuwestiyon sa termination ng VFA) PALASYO SUSUNOD SA DESISYON NG SC

Spokesperson Salvador Panelo

TINIYAK ng Malakanyang na tatalima sila sa Korte Suprema sakaling maglabas ito ng desisyon sa isyu ng pagpapawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nirerespeto nila ang plano ng Senado na kuwestiyunin sa Korte Suprema ang legalidad ng pagpapa-terminate ng Pangulo sa VFA nang walang pagsang-ayon mula sa Senado.

Sinabi ni Panelo, bagaman wala nang plano pa ang Pangulo na bawiin ang pasiyang ipatigil ang VFA, ang Korte Suprema pa rin ang may pinal na desisyon hinggil dito.

Matatandaan na  pormal ng ipinadala ng Department of Foreign Affairs sa Estados Unidos ang notice of termination ng VFA.

Kaugnay nito, nanindigan si Senador Christopher Bong Go sa kanyang pagsuporta kay Pangulong Duterte kaugnay sa pagbasura sa VFA.

Naniniwala ang senador, ang pagbasura sa VFA ay posibleng magdulot pa ng mas malakas na ugnayan sa pagitan ng Filipinas at America.

Ayon kay Go, magkaibigan naman sina Pa­ngulong  Duterte at  US President Donald Trump  kaya posibleng magdulot pa ito ng  bagong  chapter sa mas matibay na pagkakaibigan ng dalawang bansa.

Binigyang-diin nito, kailangan lamang na  magkaroon ng  bagong kasunduan na parehong makikinabang ang dalawang bansa at walang lamangan.

Iginiit din ni Go, kahit walang concurrence ng  Kongreso  sa pagbasura sa VFA ay batid naman na si Duterte ang arkitekto ng foreign policy ng bansa. VICKY CERVALES

Comments are closed.