NAGPAHAYAG ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go, sa paglaban sa fake news upang ipagtanggol ang katotohanan at matiyak ang tuluy-tuloy na daloy ng libre at tumpak na impormasyon.
“The proliferation of even just a simple piece of false information can make a significant change to the society,” pahayag ni Go sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights kaugnay sa Senate Bill No. 1296 na ginagawang kriminal ang paglikha at pagpapakalat ng fake news. Ang panukala ay isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada.
“Ako mismo ay naging biktima po ng fake news. Hindi ko maisip-isip na sa kabila ng kinakaharap natin ngayon, napag-iisipan pa ng ilang mga tao na magpakalat ng mga malisyosong kasinungalingan o manlinlang ng kapwa nilang Pilipinong naghihirap rin,” dagdag nito.
“Dapat po’y tuldukan na po itong pagpapakalat ng fake news. Dapat po ipakalat lang po ‘yung katotohan.
Demokrasya po ito, karapatan nating ihayag, pero sana naman ihayag natin po kung ano po ‘yung katotohanan lamang. Hindi ‘yung paninira sa kapwa o nakakasakit sa kapwa,” ayon pa sa senador.
“Napakadali po magpakalat ng maling balita. Lahat po tayo nagiging biktima ng fake news,” pahayag pa ni Go dahil na rin sa paggamit ng mga gadget o computer.
Nanawagan si Go sa mga kasamahan sa Senado at iba pang stakeholders na tumulong sa pagtapos sa problema ng fake news.
“It is our responsibility as a government to make sure that the people are equipped with complete and reliable information, na makakatulong po sa kanila para sa kanilang pang-araw-araw na buhay.”
“Basta ako naman po’y sa katotohanan lamang, kung ano lang po ‘yung totoo. Kawawa naman po yung mga kapwa nating Pilipino na gusto lamang mamuhay ng tahimik at ‘yung katotohanan lamang po,” pagtatapos ni Go.