MAGANDANG hakbang ang isinagawa ng pamahalaan para tuldukan ang kagutuman at malnutrisyon.
Magugunitang paulit-ulit itong binabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. simula nang siya ay maluklok at kabilang sa mga programa ay ang pagpapababa ng presyo ng pagkain.
Habang maging ang mga buntis ay bibigyan ng benepisyo para sa sapat na pagkain upang ang mga sanggol sa kanilang sinapupunsan ay matiyak na malusog.
Kahapon ay inilunsad naman ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang isang benefit package na naglalayong matuldukan ang malnutrisyon.
Tinawag itong Outpatient Therapeutic Care for Severe Acute Malnutriton kung saan sakop nito ang mga sanggol na nasa edad na 0 hanggang 6.
Ang mga benepisyong makakamit ng mga kabataang malnourished ay mula sa assessment, counseling, treatment, providing medicine at therapeutic food at follow up visits.
Upang matiyak na mahahango sa malnutrisyon ang mga kabataan, ita-tap ng Philhealth ang mga barangay health center na nasa ilalim naman ng Department of Health.
Habang katuwang din ang UNICEF, Department of Social and Welfare and Development at National Nutrition Council.
Nawa’y magtagumpay ang layuning ito ng pamahalaan upang mabawasan ang malnutrisyon sa bansa.