PAGLAGDA NI PRRD SA AMYENDADONG FOREIGN INVESTMENT ACT, IKINATUWA

NAGPAHAYAG  ng ibayong kasiyahan si House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, sa paglagda at pagsasabatas ni Pangulong Duterte ng inamyendahang ‘Foreign Investments Act’ (FIA), na ayon sa kanya ay magsisilbing daan upang maging sentro ng mga bagong pasimulang negosyo ang Pilipinas sa Timog-silangang Asia.

Bibigyan ng karapatan ng bagong batas (RA 11467) ang mga dayuhan na magnegosyo o mamuhunan ng buo sa mga lokal na negosyong malalaki at hindi kalakihan, at hahayaan ang pag-praktis ng mga dayuhan ng ilang propesyon na hindi saklaw ng umiiral na mga espesyal na batas.

Si Salceda ang may-akda ng FIA bill sa Kamara. Ayon sa kanya, maaaring gawin nitong sentro ng mga bagong pasimulang negosyo ang Pilipinas, lalo na sa mga negosyong teknolohiya na makatutugon sa mga hamon ng pagpapataas ng ani sa agrikultura, pananalapi, pangkalusugan at iba pang mahalagang sektor.

Pinuna ni Salceda na sa kasalukuyan, ang mga biglaang lukso sa pandaidigang ekonomiya ay malimit nagmuula sa pasimulang maliliit na negosyong kaugnay sa teknolohiya. Sa ilalim ng amyendadong FIA, maaaring magtayo ng gayong mga pasimulang negosyo sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan at dalhin nila ang kanilang mga eksperto na makapagtuturo rin ng kanilang kahusayan sa mga Pilipino at makatugon sa mga problema ng ilang sektor natin.

“Maaari ngang gawin ng RA 11647 na pangunahing destinasyon ang Pilipinas ng mga eksperto at tagabigay solusyon sa mga suliranin na sadyang bastante tayo. Lalong matutulungan ito kung mabibigyan ng pamahalaan natin ng mga espesyal na visa ang mga dayuhang mumumuhunan at eksperto,” gaya ng EB-1 o ‘Einstein Visa’ na ibinibigay ng USA sa mga natatanging mga dayuhang eksperto at ‘multinational executives,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, nagbibigay ang Pilipinas ng special investors’ resident visa sa mga dayuhang mamumuhunan ng US$75,000 o higit pa sa bansa. “Ipinapanukala ko na baguhin natin ito ng kaunti upang mabigyan din ng ganitong visa ang dayuhang magtatatag ng pasimulang negosyo na bagama’t maaaring hindi pa umabot ang pupuhunanin sa naturang halaga, ngunit nais nilang dito sa bansa nila gustong itatag ang kanilang pasimulang negosyo na aakit ng iba pang mga mamumuhunan,” giit ng mambabatas na isang kilalang ekonomista.

“Ang akitin ang pinakamahuhusay na tao sa mundo na sa Pilipinas magtrabaho at tumira ay malinaw ang kahulugan – paglipat ng kaalaman sa bansa. Ganito ang gagawin ng RA 11467. Ang ibig sabihin puwde na rito sa atin ang mga ekspertong gaya ng ‘biomolecular engineers’ na silang lumikha ng bakuna laban sa Covid-19, ‘astrophysicists,’ at iba pang natataging mga propesyunal na tiyak na makakatulong para mabilis na mapaunlad ang ating bansa,” dagdag niyang paliwanag.

Ayon kay Salceda, nakikipag-usap siya sa Department of Trade and Industry (DTI) para lalong masigasig nitong isulong ang Pilipinas bilang kaaki-akit na destino ng pamumuhunan, lalo na at umiiral na rin ang ‘investment liberalization laws’ at ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises or CREATE Law’ na siya rin ang may-akda at nauna nang nilagdaan ni Pangulong Duterte.

“Kailangan ang inisyatibong ito ng DTI dahil alam ng maraming mga bansa at dayuhan na sadyang mahigpit tayo sa dayuhang pamumuhunan sa buong ASEAN. Iba na ngayong pinaiiral na ang ‘Retail Trade Liberalization Act,’ ang amyendadong ‘Foreign Investment Act,’ ang CREATE Act, at ang amyendadong ‘Public Service Act’ na malapit na ring maging batas. Bukas na tayo ngayon at hindi na sarado gaya noong bago magpandemya. Dapat malaman ito ng mga mamumuhunan,” masiglang palawanag ni Salceda.