PAGLAKI NG BACKLOGS DULOT NG SCALE DOWN NG RITM -DOH

Rosario Vergeire

MAYNILA-INAMIN ng Department of Health (DOH) na napilitan ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na mag-‘scale down’ ng kanilang operasyon na nagresulta sa pagdami ng kanilang testing backlogs, matapos na makumpirmang mayroon silang personnel na dinapuan ng coro­navirus disease 2019 (COVID-19) at masira pa ang kanilang testing machines.

Sa isang online forum, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nag-quarantine muli ang mga tao sa RITM dahil sa pagkakaroon na naman ng positive case ng virus doon ngunit hindi naman tinukoy kung gaano ka­dami ang mga dinapuan ng karamdaman.

“Unang-una nagkaroon ulit ng mga nag-quarantine na mga tao ang RITM dahil nagkaroon na naman ng positive case sa kanila,” ayon kay Vergeire. “So they have to do contract tracing and some of the employees na kasama nating gumagawa sa lab nag-quarantine sila.”

“Pangalawa, mayroon talagang increased submission of specimen ngayon. Dahil alam natin may surge ng mga kaso, tumataas ang mga kaso,” aniya pa.

Maging ang ilang RITM machines aniya ay nasira din at hindi muna nila magamit sa kasalukuyan na naka­dagdag pa sa pagdami ng testing backlog nito.

Nagpatupad naman na aniya ang mga health officials ng “zoning” system kung saan ang mga specimen ay ipinadala na sa iba pang testing laboratories, gaya ng Philippine Red Cross (PRC), upang mabawasan ang backlog sa RITM.

Idinagdag pa ni Vergeire na nagkaroon rin nang pagdami ng isinusumiteng specimens dahil sa expanded testing protocols ng pamahalaan, na nagresulta sa pagdami ng overall testing backlogs.     ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.