SA HALOS mahigit 20 taon ng pagkakatatag ng TUKAAN, umusbong na parang kabute ang mga TV show ng sabong tulad ng nabanggit ko sa mga nakaraang pitak natin dito sa PILIPINO Mirror.
Ngayon ay marami na ring mga lokal na asosasyon ang nagsulputan upang maisaayos at maitatag ang mga grupo sa kani-kanilang mga lugar.
Iba’t ibang promotion ng pasabong at isa na rito ang pinakamalaki sa buong mundo, ang BAKBAKAN 12-Stag Derby kung saan umaabot sa mahigit 7,000 entries ang sumasali rito na may guaranteed prize na P80 million sa mga magwawagi.
Hindi pahuhuli ang mga grupo ng DIGMAAN na magbibigay ng garantisadong P60 milyong premyo. Bukod dito, nariyan din ang mga lokal na promotion ng mga asosasyon at grupo na kung susumahin ay aabot ang papremyo sa mahigit ISANG BILYONG PISO.
Ito ang isang dahilan kung bakit ganado ang mga nagpapalahi ng mga manok panabong at patuloy na lumalago ang industriya. Maraming karatig na mga negosyo ang natutulungan ng sabong tulad ng mga gamit sa construction, metal works, tali, gawaan ng tari, lambat at maraming iba pa na nagtatamasa sa libangang ito.
Sa tantiya po natin ay umaabot na sa mahigit kumulang ISANG MILYONG manok ang nailalaban natin sa mga sabungan sa buong Filipinas. Kung tutuusin ay 12 milyong manok panabong isang taon ang kinakailangan ng mga sabungero. Dito pa lamang ay malinaw na oportunidad para sa mga nasa industriya ng sabong ang magandang paglago nito.
Sanga-sangang negosyo ang mabubuo at maaaring itatag upang magkaroon ng magandang pagkakakitaan ang bayang sabungero.
Sa susunod na Linggo ay hihimayin po natin isa-isa ang mga negosyo na magandang subukan at pasukin sa larangan ng sabong.
Comments are closed.