PAGLALAAN NG PANAHON SA ANAK AT ANG KAHALAGAHAN NITO

ANAK-1

(ni CT SARIGUMBA)

IMPORTANTE ang pagbibigay ng panahon sa anak lalo na sa panahon ngayong kung ano-ano ang mga nangyayari sa paligid.

Lahat naman tayo ay inaasam na gumaan ang buhay. Na magkaroon ng magandang trabaho at malaking kita. Kaya nga’t ginagawa natin ang lahat ng paraan para lamang makamit iyon. Madalas, pati gabi ay ginagawang araw para makaipon at may maibigay sa pamilya sa panahong nanga­ngailangan sila.

At sa labis din nating kaabalahan, kung minsan ay nakaliligtaan na natin ang ating mga anak. May mga panahon o pagkakataong hindi na natin sila magawang kausapin.

Oo nga’t naibibigay natin sa kanila ang mga pangangailangan sa araw-araw. Pero sapat ba ang materyal na bagay na naibibigay natin sa kanila?

Lahat ng mga magulang ay nagsisipag at kumakayod ng sobra para lang maibigay sa kanyang pamilya ang pangangailangan ng mga ito. Pero hindi sapat ang kumayod at magtrabaho lang nang magtrabaho, kailangang maglaan din tayo ng oras at panahon sa ating mga anak. Hindi naman maganda kung naibibigay mo nga ang mga materyal na panga­ngailangan ng iyong anak pero malayo naman ang loob nila sa iyo. Kaila­ngang mabalanse rin natin ang mga bagay-bagay. Kumbaga, may panahon tayo sa trabaho at may panahon din tayo sa ating pamilya.

Narito ang kahalagahan ng pagbibigay ng panahon sa mga anak:

TUMITIBAY ANG SAMAHAN NG BUONG PAMILYA

Pagbibigay o paglalaan ng panahon ang isang paraan upang tumibay ang samahan ng buong pamilya. Sa pamamagitan din ng paglalaan ng oras sa pamilya ay naipakikita nito ang inyong interes sa kanilang ginagawa gayundin sa mga bagay-bagay na nangyayari sa kanila sa araw-araw.

Kaya naman, subukan nating makapaglaan ng panahon sa bawat mi­yembro ng ating pamilya gaano man tayo kaabala sa trabaho.

NAILALAYO SA BISYO ANG MGA ANAK

Maraming bata ang nalululong sa bisyo. Ang ilan diyan, dahil sa udyok ng mga kaibigan. Ang iba naman ay nagrerebelde. Dahil walang panahon ang kanilang pamilya, gumagawa sila ng pa­raan para magpapansin. Minsan tuloy, ang mga paraang ginagawa nila ay nakasasama sa kanila. Ikinapapahamak nila.

Huwag nating kaligtaang maglaan ng panahon sa ating mga anak. Mag-isip tayo ng paraan para maka-bonding sila. Hindi lamang para mapalapit sila sa atin kundi para mailayo rin sila sa masasamang gawi at bisyo.

Kung nakakausap nila kayo o tayo na magulang nila, mapaaalalahanan natin sila. Masasabi natin ang hindi at dapat na ginagawa nila. Magagabayan natin sila.

MASAYANG MEMORY

Mga alaalang hindi mapapantayan, isa pa iyan sa kabutihan ng pagbibigay o paglalaan ng panahon sa buong pamilya.

Importante rin si­yempreng nagkakaroon ng magagandang alaala o memories ang ating pamilya na mababaon nila sa kanilang pagtanda. At nakukuha lamang ito kapag may bonding ang pamilya o naglalan sila ng oras sa isa’t isa.

Kalinga at pagmamahal, iyan ang kailangan ng ating mga anak. Iyan ang kailangan nating ibigay sa kanila.

Kaya huwag tayong gumawa ng dahilan na busy tayo kaya’t hindi natin sila natututukan o nakakausap.  Kung gugustuhin natin, may magagawa tayong paraan.

Gumawa tayo ng pa­raan para sa ating pamilya, lalong-lalo na sa ating mga anak. Mas magiging masaya at lalaki silang mabuti kung nabibigyan natin sila ng panahon at oras. Mas magiging matatag sila at malakas kapag nariyan tayo sa tabi nila kung nangangaila­ngan sila ng masasandalan o makikinig sa dinadala nilang problema.

Subukan din nating maging kaibigan tayo ng ating mga anak. Takbuhan nila, ano pa man ang problemang kanilang dinadala. (photos mula sa kinderling.com.au, gracegrowedify.com)

Comments are closed.