TINUTULAN ng isang grupo ng mga motorcycle riders ang panukalang lagyan ng barrier o harang na gawa sa acrylic ang pagitan ng driver at angkas sa motorsiklo.
Ito ay makaraang payagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging and Infectious Diseases (IATF-EID) ang pag-aangkas ng mga mag-asawa o magkamag-anak basta’t makapagpapakita ng patunay na sila ay magkasama sa bahay.
Ayon kay Christopher Delos Santos ng grupong Marinduque Motorbike Rescue Team, hindi makatuwiran ang panukalang maglagay ng barrier sa motorsiklo kung mag-asawa o makamag-anak naman ang magkaangkas.
Naaangkop lamang aniya ito sa mga motorcycle taxis na tulad ng angkas o joyride dahil iba’t ibang mga pasahero ang sumasakay sa mga ito.
Dagdag pa ni Delos Santos, panibagong pasanin pa ang pagpapagawa at pagpapakabit ng motorcyle barrier na posibleng umabot sa libong piso ang presyo.
“Ang mga sumasakay d’yan hindi naman kamag-anak kundi iba’t-ibang tao, katulad nu’ng ginawa nila sa taxi kailangan may shield kasi nga pampublikong pasahero, dapat sa mag-asawa, magkamag-anak ang tawag lang d’yan na hingin na papeles katulad nu’ng passenger na ID na iniisyu ng barangay na ginawa at ‘yung marriage contract ng mag-asawa,” ani Delos Santos.
Maliban pa rito, sinabi ni Delos Santos na hindi ligtas at posibleng magresulta pa sa disgrasya ang paglalagay ng mga motorcyle barrier.
“Meron akong isang dating motorcycle delivery, ‘yung mga motorcycle namin by box ‘yan lalagyan ng mga order ng mga customer, kapag hinampas ‘yan ng hangin siguradong wi-wiggle ‘yang motor mo, nire-require pa nila hanggang ulo ‘yan ngayon sabihin na natin na wala yung passenger ko meron akong shield, kapag umuulan hahampasin ako ng hangin, ‘yung mga bus na kung magpatakbo sa EDSA, sa Commonwealth kapag um-overtake sa’ yo ‘yung impact nu’ng hangin na dala nu’n wi-wiggle ka kahit wala kang box,” ani Delos Santos sa panayam ng Ratsada Balita sa DWIZ882.
Comments are closed.