PAGLALARO NG GOLF: BIR EXECS UNDER-FIRE?

Erick Balane Finance Insider

WALA umanong sa­santuhin si Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte sa sinumang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na isinumbong sa Palasyo na lumahok sa isang ‘3-day golf tournament’ na gina­nap sa Baguio City sa oras ng kanilang trabaho noong Pebrero, 28 at inabandona ang kanilang trabaho dahil lamang sa sinasabing umano’y ‘maluho at pustahang kompetis­yon.’

Una nang sinibak sa puwesto ni Chief Philippine National Police General Archie Gamboa ang tatlong opisyal ng PNP Central Police na sina Col. Dennis Artil, regional chief controller; Lt. Col. Richard Bad-Ang, chief ng finance service; at Lt. Col Glenn Mayam, director ng regional drug enforcement, na pawang nakatalaga sa Cebu Central Visayas Region dahil sa paglalaro ng golf sa oras ng kanilang duty-assignments.

Ito umano ang ikalawang magarbong golf tournament ng BIR na ginanap sa Baguio City. Ang una ay noong nakaraang Marso 5 hanggang Marso, 8 taong 2019 na sinasabing mahigit sa 100 opisyal ang lumahok at nitong huli ay tila doble ang bilang ng participants na ginanap naman noong Pebrero 28, 29 hanggang Marso 1, 2020 na ginanap sa Camp John Hay Golf Course Country Club and Fines Wood sa Baguio City na halos  umokupa sa lahat ng eks­klusibong kuwarto sa isang kilalang villas na malapit sa kampo.

Dismayado umano ang Chief Executive sa tinanggap na report ukol sa magarbong ‘golf tournament’ ng mga taga-BIR, mistulang halos walang nagsipag-report sa oras ng kanilang trabaho, kaya iniutos nito sa Presidential Anti-Corruption Commission ang pagsasagawa ng imbestigasyon at inatasan si Finance Secretary Carlos Sonny’ Dominguez na sibakin sa puwesto ang mga sangkot dito gaya ng ginawa ni PNP Chief Gamboa sa mga opisyal ng pulis na naglaro rin ng golf sa oras ng kanilang trabaho.

Ang naturang ‘golf tournament’ ay inorga­nisa ng ‘Dugong Bughaw’ na pinamumunuan umano ng isang BIR regional director na nakatalaga sa parteng Mindanao sa mismong probinsiya ni Presidente Duterte.

Tinataya sa mahigit na P2.5 trillion ang target na tax collection goal ng BIR ngayong fiscal year, mas mataas ng 34 percent kumpara sa nakaraang 2019 fiscal year kung saan lumasap ng halos P300 bilyon ang kawanihan ng rentas internas.

Ang PACC, sa pamamagitan ng Exe­cutive Order No. 43, ay binigyan ng mandato ni Presidente Duterte para labanan at sugpuin ang korupsiyon sa lahat ng departamento, bureaus, offices at iba pang sangay ng gob­yerno. Sinisiguro ng Malacañang na walang makalulusot sa isasagawang imbestigasyon para masibak ang lahat ng mga lumahok dito at nagpabaya sa kanilang tungkulin.

Maging ang RIPS (Revenue Integrity Protection Service) ng DOF ay sinasabing pinakilos din ni Secretary Dominguez para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang PACC upang mas mapabilis ang imbestigasyon ukol dito.

Ang pang-aabuso sa tungkulin ng mga tiwa­ling BIR executives, pag-abandona sa trabaho at paglahok sa maluhong tournament ay isang lantarang paglabag sa Civil Service Rules and Regulations at kawalan ng katapatan sa samba­yanan sa harap ng pagsisikap at kampanya ng Pangulong Digong sa lahat ng government agencies na pagbutihin ang paglilingkod sa bayan at gampanan nang naaayon ang kanilang serbisyo.

Umaasa pa naman si Presidente Duterte sa BIR na sa sandaling maipasa ang Corporate Income Tax and Incentive Rationalization Act (CITIRA) ay makakokolekta ng US$12 billion sa Foreign Direct Investment (FDI) sa u­nang taon ng implementasyon nito.

Ang pagbubulakbol ng mga opisyal ng BIR ay itinaon pa sa implementasyon ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na paulit-ulit na nagbabala sa government offices sa improvement ng pubic services ukol sa tax clearances, business permit, compliance sa One Stop Shop bilang pagtalima sa Ease of Doing Business Act.

Sa halip na magsagawa ng totohanang tax strategy program, kumolekta ng karagdagang buwis at mapunan ang shortfall sa tax collections, nakapagtatakang nagagawa pa ng BIR officials na maglaro ng maluhong golf sa oras ng kanilang trabaho?

Marapat lamang na tularan ang ginawang pagsibak ng PNP chief Gamboa sa kanyang tatlong opisyal na naglaro ng golf at nagpabaya sa tungkulin. Ganito rin dapat ang gawin sa mga opisyal ng BIR na nagsilahok sa nasabing golf event na pawang nag-abandona sa kanilang trabaho.

May reklamo rin ang isang person with disabilty (PWD) na se­nior citizen (SC) laban sa isang examiner na sinapak na ikinabulagta nito matapos magkapikunan dahil lamang sa diskusyon sa computation ng buwis na dapat nitong bayaran. Naganap ito sa distrito ng BIR Cainta/Taytay.

(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa  09266481092 o email:[email protected])

Comments are closed.