PAGLALATAG NG IRRs REPASUHIN, GOV’T AGENCIES KINALAMPAG

Francis Tolentino

KINASTIGO  ni Senador Francis ‘Tol’  Tolentino ang umano’y bara-barang gawain ng ilang ahensiya ng pamahalaan sa paglalatag ng Implementing Rules and Regulations (IRRs) na tila sumasapaw sa tunay na layunin ng mga batas na ipinapasa ng Kongreso.

“The spring cannot rise higher than the source,” paliwanag ni Tolentino sa kanyang privilege speech nitong Lunes, kung saan tinukoy niya ang mga desisyon ng Korte Suprema na nagpawalang-bisa sa mga kaakibat na IRR ng ilang piling batas na kumokon-tra mismo sa panuntunan ng tunay na nakasaad dito.

“The spring is not just rising higher, but it threatens to overflow and spill from the source and drown us all,” ani Tolentino.

Giit ng senador, hindi lamang ang pagkakaroon ng maling interpretasyon ng mga batas na ipinasa ng Kongreso ang naging bun-ga ng ilang malasadong IRR, napagkaitan din umano ng pagkakataon ang mga Filipino na matamasa ang tunay na benepisyo at karapatan na ipinagkakaloob ng nasabing mga batas.

Dagdag pa ni Tolentino, posibleng iba na ang kahulugan ng batas kung sablay ang mga IRR na nakapaloob dito.

Pagsisiwalat ng senador,  hindi bababa sa 50 hanggang 60 na kaso ang binigyang linaw ng Korte Suprema dahil sa maling in-terpretasyon ng ilang government agencies sa ilang piling batas dahil sa palpak na IRR.

Para maiwasan ang paglalatag ng mga IRR na posibleng magligaw sa tunay na kahulugan ng batas, mungkahi ni Tolentino na limitahan ang partisipasyon ng mga ahensiya rito habang mahigpit pa ring sinusunod ang ‘separation of powers’ sa ilalim ng 1987 Constitution.

Ayon sa senador, mas maganda na payagan ang mga senador at kongresista na mapabilang sa mga magbibigay ng suhestiyon sa paglalatag ng IRRs ng mga ipapasang batas kasama ang ehekutibo, gamit ang oversight functions ng Kongreso.

“It is also proposed that the succeeding laws and its corresponding IRRs be submitted to an oversight committee composed of the concerned Senate committee which prepared the bills,” ani Tolentino.

Kabilang sa mga binigyang-diin ni Tolentino ang kaso ng Pharmaceutical and Health Care Association of the Philippines laban kay Health Secretary Francisco Duque III (GR No. 173034) noong 2007, kung saan tinalakay ang legalidad ng Executive Order No. 51, na may kinalaman sa ‘Milk Code’.

“The Milk Code limited its coverage to infants 0-12 months old but the IRR extended it to young children up to 3 years. The Milk Code allowed advertisements as long as they were approved by the agency, but the IRR prohibited them totally,” paliwanang ni Tolentino.

Dahil sa nilatag na IRR ng pamunuan ni Duque, mistulang gumawa ang Department of Health (DOH) ng sarili nitong batas noong Arroyo administration, ayon kay Tolentino.

Nangako naman si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ng agarang  aksiyon sa panawagan ni Tolentino sa isyu ng IRR ng mga ipinapasang batas.

“Tama po ang sinabi ni Sen. Tolentino. It’s about time we review our rules and procedure,” sabi naman ni Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri. VICKY CERVALES

Comments are closed.