PAGLANGOY, PAGLALARO SA BAHA BAWAL NA

IPINAGBAWAL na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paglangoy, paglalaro, pagpagala-gala, o hindi kinakaila­ngang paglusong sa baha upang maiwasan ang paglobo ng kaso ng leptospirosis.

Matapos kasi ang bagyong Carina na nagdulot ng malawakang pagbaha sa bansa ay sumirit ang bilang ng mga tinamaan ng leptospirosis.

Ang leptospirosis ay isang seryosong bacterial disease na maa­aring makuha sa pagkakalantad sa kontaminadong tubig-baha sa pamamagitan ng sugat, o kapag nakalulon ng bacteria direkta mula sa tubig o sa pamamagitan ng pagkain.

Ayon sa Department of Health, bagama’t ang sakit ay karaniwang  iniuugnay sa ihi ng daga, ang impeksiyon ay maaari ring magmula sa ibang hayop tulad ng baka, baboy, kabayo, aso, at wild animals.

Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ay lagnat, panginginig, pananakit ng muscle, at matinding pananakit ng ulo.

Delikado ang sakit dahil maaari itong magresulta sa meningitis, li­ver damage at renal failure, at kung minsan ay sa kamatayan.

Nawa’y seryosong maipatupad ang pagbabawal sa paglangoy, pag­lalaro at hindi kinakailangang paglusong sa baha at hindi ma­ging ningas kugon upang ganap na makaiwas sa leptospirosis.

At para sa mga pasaway diyan, huwag maging matigas ang ulo dahil ito ang inyong ikapapahamak.