PAGLAWAK NG KOMPETISYON SA RETAIL BUSINESS SECTOR

Rep Stella Quimbo

IGINIIT ng isang ranking member ng minority bloc sa Kamara ang pangangailangan na mabigyan ng kaukulang aksiyon o kung maaari ay ganap na maaprubahan ang House Bill 59 na naglalayong amyendahan ang halos nasa 20 taon nang Republic Act no. 8762 o ang Retail Trade Liberalization Act of 2000.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at 2nd Dist. Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, panahon na para lumawig ang kompetisyon sa Retail business sector ng bansa, partikular ang makaengganyo ng marami pang dayuhang mamumuhunan na magtayo ng negosyo sa Filipinas.

“Despite a law that was passed in 2000 to liberalize retail trade, in the last 19 years, only 43 foreign retail investments have been recorded. Their investments have generated approximately 22,000 jobs, equivalent to only 0.6 percent of the total jobs generated in wholesale and retail from the time liberalization was enacted,”sabi ng Marikina City lady lawmaker.

“Palaisipan kung bakit bitin pa rin ang pagdami ng foreign investments at ang trabahong inaasahan natin na manggagaling sa kanila. One important obstacle is the substantial minimum paid up capital requirement,” dagdag pa niya.

Isa sa nakikitang dahilan ni Quimbo ay ang itinatakda sa ngayon na 2.5 million US dollars bilang paid up capital, bukod pa sa minimum investment na  830,000 US dollars kada retail store para sa dayuhang kompanya na nagnanais na pumasok sa local retail business.

“This is large, especially in comparison with our ASEAN neighbors. For instance, the paid up capital requirement for foreign corporations is only 66,300 US dollars in Thailand and a meager 10,000 US dollars in Vietnam, while Brunei has no such requirement,” anang kongresista.

Kaya naman sinusuportahan ng House deputy minority leader ang nakatakdang pagsalang sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongero sa HB 59, na naunang inaprubahan ng House Committee on Trade and Industry na pinamumunuan ni 1st. Dist. Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian at isa rin sa principal authors ng naturang panukalang batas.

Nabatid kay Gatchalian na sa ilalim ng HB 59, sa pag-amyenda sa ilang probisyon ng RA 8762, ay partikular na isinusulong nito na ibaba na lamang sa US$ 200, 000 ang minimum paid up capital ng foreign retail market investors na gustong magnegosyo sa bansa.

Bukod dito, ibababa rin  sa 10 porsiyento ng kabuuang inventory ng foreign retailers mula sa kasalukuyang 30 porsiyento, ang locally manufatured products na kanilang ibinebenta o kasama sa iba pang produkto na nasa kanilang ino-ope­rate na establisimyento.                   ROMER  R.  BUTUYAN