Ipinagbunyi ni Senador Win Gatchalian ang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa paglikha ng cabinet cluster para sa edukasyon, isang panukala na unang isinulong ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).
“Nagpapapsalamat ako sa ating Pangulo dahil pinakinggan niya ang ating mungkahi sa paglikha ng cabinet cluster for education. Mahalagang hakbang ito upang matiyak na papunta sa isang direksyon ang ating mga ahensya ng pamahalaan pagdating sa mga polisiya at programa sa edukasyon,” ani Gatchalian, Co-Chairperson ng EDCOM 2.
Isa si Gatchalian sa mga may akda ng Senate Concurrent Resolution No. 21 na hinimok ang Pangulo na buuin ang naturang cabinet cluster. Sa ilalim ng naturang resolusyon, tityakin ng cabinet cluster na magkakaugnay ang mga batas, polisiya, reporma, at regulasyon ng mga kagawaran, kawani, komisyon, at mga tanggapan na sangay ng Ehekutibo.
Sa ilalim din ng naturang resolusyon, magkakaroon ang cabinet cluster ng matatag na oversight sa lahat ng mga ahensya ng edukasyon. Pamumunuaan ang naturang cluster ng isang kasapi ng gabinete na may direktang mandatong may kinalaman sa edukasyon o ng Presidential adviser na may posisyon ng kalihim. Binigyang diin ng EDCOM ang kahalagahan ng pagtugon sa krisis sa edukasyon, pagtiyak sa magkakaugnay na national education at workforce development plan, mga target at pondo ng mga ahensya, at mga sistema para sa monitoring at evaluation.