PAGLIKHA NG DDR, NAKITA SA PAGSABOG NG MT. BULUSAN

BINIGYANG  diin ng pagsabog na bulkang Bulusan sa Sorsogon na nagtaboy sa libo-libong pamilya sa mga ‘evacuation center,’ ang sadyang kailangang paglikha ng isang ahensiyang dedikado sa pagtugon sa mga kalamidad.

May panukalang batas (HB 5989) nang binalangkas at inihain si Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda sa Kongreso, na lilikha sa Department of Disaster Resilience (DRR), na naipasa na ng Kamara ngunit nabinbin sa Senado.

Ayon kay Salceda, chairman ng ‘House Ways and Means Committee,’ ang pag-aalburuto ng Bulusan ay nagtutulak na muling ibalik ang pansin ng bansa sa usaping paglikha ng DDR.

Tiniyak ni Salceda na muli niyang ihahain ang kanyang DDR bill sa 19th Congress. Ilang beses na itong sinertipikahan ni Pangulong Duterte na sadyang kailangan nga. Ipinasa ito ng Kamara at umani ito ng 241 boto noong Setyembre 31, 2020 ngunit naipit sa Senado.

Itinuturing ang HB 5989 bilang pinaka-maliwanag na balangkas at tugon sa mga kalamidad na humahagupit sa bansa, kasama na ang ‘pandemic’ na nagbibigay ng ibayong pahirap sa mga Pilipino.

May ganito ring DDR bill si Salceda na ipinasa ng Kamara noong 2017 ngunit nabigong maging batas.

Bukod sa mga pagsabog ng bulkan, malimit ding padapain ng malulupit na bagyo ang maraming pamayanan sa bansa na namimimilipit sa kahirapang sa loob ng ilang mga linggo o buwan. Ito ay dahil sadyang hindi handa ang mga pamahalaang lokal na tumugon dito.

Ipinaliwanag ni Salceda na totoong nagbibigay ng suporta ang pamahalaang nasyunal sa mga sinasalanta ng kalamidad, ngunit walang komprehensibong stratehiya at mekanismong nag-uugnay sa mga lokal na pamahalaan para mabisang matugunan nang husto ang hamon ng mga kalamidad.

“Hiwa-hiwalay ang mga ‘Disaster risk reduction and management councils’ natin, Dapat nating unawain na walang kinikilalang hangganan ng mga LGU ang mga kalamidad. Sadyang kailangan ang isang pambansang ahensiya para sa ganitong sitwasyon, lalo na at wala istruktura at kultura na talagang tumutugon sa ganito. Kung may pambbansang ahensiya ang mamumuno ay madaling matututo ang mga LGU natin,” dagdag ni Salceda.

Maraming mga institusyon ang katig sa paglikha ng DDR, kasama ang University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), Greenpeace Philippines, at ang Local Climate Change Adaptation for Development (LCCAD).